Malalaking tao bukod sa kapulisan ang nagbibigay proteksyon sa POGO, ayon kay Former PNP Chief Albayalde

Hindi naniniwala si dating PNP Chief. Gen. Oscar Albayalde na hindi nalalaman ng pulisya at higit pa sa hanay ng kapulisan ang nagbibigay ng proteksyon sa operasyon ng mga POGO sa bansa.
Ani Albayalde, hindi sya maniwala na sa laki ng lugar na kinakailangan sa operasyon ng isang POGO ay hindi ito alam ng pulisya.
Aniya,  ang isang station commander ay dapat na alam ang lahat ng nangyayari sa kanyang Area of Responsibility o AOR.
Ipinaliwanag ni Albayalde na ang isang crime scene ay malawak ang dapat na imbestigasyon gaya ng kasama ang mga lugar kung saan nag-uumpisa ang suspek kasama ang ruta at maging ang bahay nito.
Gaya aniya ng Lucky South 99 na sakop ng bayan ng Porac, Pampanga pero ang papasok at palabas nito ay sakop naman ng Angeles City kayat dapat na alam ng kapulisan kung saan ang entry at exit point ng mga nasa likod nito.
Bukod aniya sa pulisya ay dapat din na namonitor ng Lokal na Pamahalaan ng Angeles ang galaw ng mga nagtatrabaho sa POGO dahil sa laki ng operasyon nito.
Kung lupa kasi aniya ang pag-uusapan ay mas malapit ang Lucky South 99 sa Angeles City at dapat na alamin ng mga otoridad ang safehouse ng mga ito malapit sa lugar gaya ng Clark.
Dapat din aniyang alamin sa imbestigasyon na kung sino ba ang ang nag-leak ng impormasyon na sasalakayin ang Lucky South 99 na sigurado aniyang may kaibigan ang mga ito sa law enforcement o sa LGU.
Kung tumakas kasi aniya ang mga sangkot sa Lucky South 99 ay tiyak na sa Angeles City dadaan ang mga ito.
Ayon pa kay Albayalde, hindi mag-ooperate ang Lucky South 99 kung wala ditong nagbibigay ng proteksyon na sa paniwala niya ay hindi lang ito sa hanay ng kapulisan.
Sa paniniwala ni Albayalde na mayroon pa na mas malalim o higit na mga ahensya o mga tao na mas mabigat pa nagpoprotekta dito kaysa sa pulisya lang.
Marami kasi aniyang schemes sa POGO na hindi naman sa online gaming gaya ng mga illegal pyramiding, bit coin, crypto currency, online sex at marami pang scams.
Ayon sa dating PNP Chief na dapat na tignan ang marami na pumapasok na dayuhan lalo na ang Chinese nationals dahil sa ilegal actvities ng mga ito at tignan na ring mabuti kung sino talaga ang nagbibigay ng proteksyon sa mga ito.