Mahirap ang maging mahirap

Sentro Punto
Hindi kasalanan ang pagiging mahirap pero sa panahong ito na mahirap humanap ng pera lalo na kung emergency situation ay palaging talo ang mga Pilipinong salat sa lahat ng bagay, partikular ang salapi kaya palaging nasasambit ng mga kababayan nating nabubuhay sa  kalagayang survival living ang mga katagang: “Mahirap ang maging mahirap.”
 
Sa kabila ng kahirapang nadarama ng ating mga kababayan ay taglay pa rin nila ang kaugaliang mapagpasalamat. Maging sa aking sarili ay naitatanong ko kung kahanay din ako ng maraming Pilipino na nasa linya ng survival living ay maaaring nakalinya nga ako sa aspektong ito dahil tulad ng mga karaniwang manggagawa, sasala sa oras ng pagkain ang kanilang mga pamilya kung hindi sila kakayod.
 
Tulad din pala ako ng karamihan na kung hindi ako maghahanapbuhay ay wala akong ipambibili ng mga pangangailangan naming mag-asawa tulad ng maintenance medicine at iba pang mga bagay-bagay na ginagamit sa araw-araw. Dahil hindi naman ako mayaman, natural lang na ako ay maghanapbuhay dahil mahirap umasa sa mga anak lalo na kung may kani-kanyang ng pamilya.
 
Ang mga Pilipino, lalo na ang mga karaniwang mamamayan ay mababaw lang ang kaligayahan. Nagpapasalamat sila sa Diyos, dahil hindi sila nawawalan ng trabaho o sumala man sa oras ng pagkain. Iyan ang katangian ng mga Pilipinong namumuhay sa poverty line, kaya okey lang sa kanila ang maging mahirap basta’t hindi sumasala sa oras ng pagkain.
 
Naging kasabihan din ng mga mahihirap ang linyang “Ang salapi ay palamuti lang sa buhay, hindi mo madadala ang pera sa kabilang buhay.” Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay aplikable ang linyang iyan. Sa oras ng kagipitan tulad ng pagkakasakit ng miyembro ng pamilya ay kailangang may naimpok na pera ang pamilyang may kaanak na may karamdaman na nangangailangan ng atensyong medikal.
 
Hindi puwedeng walang dalang pera ang kaanak ng pasyente na ipapa-confine sa ospital lalo na kung pribadong pagamutan at kung sa public hospital naman magpapaconfine ang pasyente ay kailangan din nila ang pera dahil karamihan sa public hospital ay walang gamot na libre lalo na kung mamahalin ang iniresetang gamot ng duktor.
 
Ang sinoman ay may kani-kanyang pangarap at ang mga mahihirap na Pinoy ay punung puno ng mga pangarap. Halimbawang nais nila na magkaroon ng sariling bahay at lupa at magkaroon din ng sariling sasakyang pampamilya. Lamang ay hindi madaling makamit ang pangarap kaya panay pagbabasakali nila na tumama ng jackpot sa lotto.
 
Kaya lang, mas malaki pa raw ang tyansa na tamaan ka ng kidlat kaysa sa tyansang tumama sa lotto. Kaya nananatiling nakabitin sa himpapawid ang pangarap ng mahihirap at malaki talaga ang kaibahan ng mahirap at mayaman, o ng mga Pinoy na nakaluluwag sa buhay. Nabibili kasi ng mga taong mayaman ang mga bagay na gusto nilang bilhin at nakapupunta sila sa mga lugar na nais nilang puntahan.
 
Samantalang ang mga mahihirap ay walang magawa kungdi ang maghintay ng oportunidad na baka isang araw ay may dumating na swerte sa kanila. Heto pa ang kasabihang Pinoy na pinanghahawakan ng mga mahihirap: Ang kapalaran daw ‘di mo man hanapin, ay kusang darating kung talagang akin.” Mayroon din namang kasabihan ang mga pilosopong palso na kahit daw hindi ka tumaya sa STL at lotto, kung talagang swerte ka ay tatama ka. Ou nga. Baka tamaan ng kidlat.
 
Pero ang mga negosyante tulad ng mga Intsik ang siyang mayayaman. Iba kasi ang pilosopya nila sa buhay kaya naman bihira ang mga Tsinoy na mahirap dahil karamihan sa kanila ay negosyante. Iyang kasing pagnenegosyo ay hindi kaagad nakakamit ang tagumpay. Wika nga ng mga Kano, try and try until you succeed.