LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sumasalamin ang reputasyon ni Gat. Blas Ople sa paglilingkod-bayan sa kung paano makataong trinato ang mga manggagawang Pilipino.
Iyan ang tinuran ni Department of Migrant Workers o DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople nang pangunahan niya ang programang pang-alaala sa pagdiriwang ng Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng kanyang amang si Gat. Ople.
Aniya, ang pinakamahalagang bilin ng kanyang ama ay kung sinuman sa kanyang mga anak ang mapunta sa paglilingkod bayan, hindi dapat mahalin ang posisyon kundi dapat mahalin ang taong-bayan.
Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon si Gat. Ople na maglingkod sa pamahalaan, ginawang prayoridad ang kapakanan ng karaniwang mga manggagawang Pilipino.
Patunay dito ang patuloy na pag-iral ng kanyang mga ginawa para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino na nasa Pilipinas at maging ng mga nasa ibang bansa. Una rito ang Labor Code of the Philippines na isinulat mismo ni Gat. Blas sa kanyang kapasidad bilang noo’y ministro ng Ministry of Labor and Employment na ngayo’y Department of Labor and Employment o DOLE.
Nagkabisa ito noong Mayo 1, 1974 nang ipinalabas ni noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. bilang Presidential Decree 442. Pangunahing probisyon nito ang pagtatakda ng minimum wage, overtime pay, 13th month pay at pagbabawal na matanggal nang basta-basta sa trabaho ang isang manggagawa.
Si Gat. Ople rin ang naging instrumento upang maitatag ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA na ngayo’y Department of Migrant Workers o DMW na nabuo sa bisa ng Republic Act 11641.
Para sa kanyang bunsong anak na si Secretary Ople, ang matinding malasakit ni Gat. Ople sa karaniwang mga manggagawa ay humuhugot sa pinagmulan nito bilang isang kabataan na hindi makapag-aral dahil walang pera. Ito ang nagbunsod upang si Gat. Ople ay maging kargador sa Manila North Harbor upang makapasok sa paaralan.
Gayun pa man, nagtapos ng high school bilang isang valedictorian kahit na nanghiram lamang ng sapatos para makadalo ng graduation.
Bukod aniya sa pagsisikap na makapag-aral, taglay ni Gat. Ople na dapat manatiling mababa ang kalooban kahit gaano man kataas ang maging propesyon o tungkulin.
Paniwala aniya ni Gat. Ople, na kung mamahalin ng mga naglilingkod sa pamahalaan ang mamamayan, mamahalin din sila ng kanilang mga pinaglilingkuran.
Unang pumasok si Gat. Ople sa pamahalaan noong 1965 nang hirangin siya ni Pangulong Marcos Sr. bilang isang Social Security Commissioner ng Social Security System o SSS. Pinamunuan ang Ministry of Labor and Employment mula 1967 hanggang 1986.
Siya ang kauna-unahang Asyano na nahalal bilang pangulo ng 60th International Labour Organization o ILO.
Naging bahagi ng 1978 Batasang Pambansa at 1986 Constitutional Commission na bumalangkas ng Saligang Batas ng 1987. Nahalal sa Senado noong 1992 hanggang taong 2002 at naging senate president noong 1999. Hinirang ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang secretary ng Department of Foreign Affairs o DFA noong 2002 hanggang siya’y mamatay noong Disyembre 14, 2003.