LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Pinaghahanda ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang mga magsasaka sa Nueva Ecija para sa posibleng epekto ng paparating na bagyong “Pepito”.
Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ay pinapayuhan ng OPA ang mga kababayang magsasaka na anihin na ang mga maaari nang anihin na palay.
Ayon kay Seed Provincial Coordinator Conrad Marquez, ito ay bilang paghahanda sa parating na bagyo upang makaiwas sa posibleng epekto o mas malaking danyos sa mga taniman.
“Anihin na po natin ‘yan, ‘wag na po tayong makipagsapalaran. Para po bumagyo man, eh kampante na po tayo na ‘yun pong ating mga palay eh nakasinop na, naibenta na, naging puhunan na para po ngayong tag-araw,” pahayag ni Marquez.
Samantala, batay sa datos ng tanggapan, nasa humigit 58,000 ektarya ang standing crop sa palayan sa buong Nueva Ecija, na kung saan ang nasa maturing stage o pwede nang anihin ay nasa humigit 29,000 ektarya.
Paglilinaw dito ni Marquez, lahat ng standing crop sa lalawigan tulad ng mga palayang bagong tanim pa lang, nasa vegetative stage, reproductive stage at maturing stage ay posibleng maapektuhan ng nakaambang kalamidad.
Kaniya ring sinabi na dahil sa sunod-sunod na pagdaan ng mga bagyo ay ramdam na sa Nueva Ecija ang pagbaba ng produksyon ng palay.
“Nag-aaverage lamang po tayo ng around 4.66 o 4.68 metric tons per hectare, katumbas lamang po nyan ng 93 bags. Malayong malayo po ito sa average po natin last wet season or main crop noong nakaraang tag-ulan na umaani po yung ating farmer ng up to 114 bags per hectare,” ayon pa kay Marquez.
Kaugnay nito ay patuloy ang koordinasyon ng OPA sa Department of Agriculture para sa kakailanganing tulong tulad ng libreng binhi, ng mga maaapektuhang magsasaka sa buong lalawigan.
SOURCE: Camille C. Nagaño PIA3