Maagap na desisyon ng ERC, susi sa pagpapanatiling abot-kaya ng kuryente

HINILING ng SMC Global Power Holdings Corp (SMCGP) at Meralco sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pansamantalang payagan itong itaas ang presyo ng kuryenteng galing sa Sual Coal at Ilijan Natural Gas power plants.  

 

Kamakailan lamang ay ginanap ang unang ERC hearing kung saan isinaad ng dalawang kumpanya ang dahilan para sa naturang petisyon.  

 

Ang power supply agreement (PSA) sa pagitan ng Meralco at SMCGP ay isa sa pinakamalaking kontratang pang enerhiya sa bansa, kung saan ang presyo ay “fixed rate.”  

 

Sa ilalim ng mga PSA na ito ay hindi ipinapasa sa konsyumer ang karagdagang gastos sa pag-gawa ng enerhiya, kaya’t ang halaga ng kuryente sa Metro Manila ay hindi gaanong tumataas kumpara sa ibang parte ng bansa.  

 

“Alam po namin na ang anumang pagtaas ng presyo ng kuryente ay hindi katanggap-tanggap. Kaya noong nakaraang taon ay hindi kami humingi na rate increase at hindi ipinasa sa mga konsyumer ang dagdag na gastos,”ayon kay SMCGP chairman Ramon S. Ang.  

 

Ngunit ayon kay Ang, malaki ang naging epekto sa pandaigdigang presyo ng coal ang labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine, maging ang pagpapatuloy ng pandemya.  

 

“Hindi inaasahan ang kakaibang pagbulusok na ito ng world prices ng fuel, kabilang ang coal, dahil noong 2019 dahil ang halaga lamang ng nito ay nasa US$65 per metric ton. Ang forecast pa ay ito din ang magiging average sa loob ng sampung taon. Ngayon, ito ay umaabot na sa US$400/MT,” wika ni Ang.  

 

“Ikinalulungkot naming sabihin na lubhang nakakaapekto ito sa operasyon ng dalawang planta. At hindi na kayang matustusan ang operasyon ng mga ito ng palugi, dahil mako-kompromiso naman ang ibang proyekto para sa pangkalahatang energy security ng bansa, maging ang aming mga obligasyong pinansyal, dagdag ni Ang.  

 

Sinabi pa niya na ang hiling lang ng kumpanya ay kaunting adjustment sa presyo para sa dalawang planta, sakop ang unang anim na buwan ng 2022, upang patuloy ang mga itong makapag-supply ng kuryente sa Meralco.   

 

Sa paraang ito, maiiwasan din ang epekto ng pag-terminate ng mga PSA–na magre-resulta sa mas mahal na presyo ng kuryente–sa mga industriya at iba pang gumagamit ng kuryente, lalung-lalo na ang low-income households.  

 

Kung pahihintulutan ng ERC, ang hinihinging pagluluwag ng SMCGP at Meralco ay magkakahalaga lamang ng 30 sentimo bawat kilowatt hour.  

 

Ngunit kung ito ay hindi papayagan ng ERC ay mapilitan ang dalawang kumpanya na ipawalang-bisa ang PSA.  Ang magiging resulta nito ay ang pagtataas ng hanggang P1.30/kwh sa presyo ng kuryente na ipapapataw ng Meralco sa susunod na tatlo hanggang apat na buwan.  

 

Kasama sa mga service areas ng Meralco ang Metro Manila, mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Bulacan at mga bahagi ng Pampanga, Batangas, Laguna at Quezon.   

 

Nauna nang nakapagbigay ng notice of termination sa Meralco ang South Premiere Power Corp. at San Miguel Energy Corp., na nagpapatakbo sa Ilijan and Sual plants. Ito ay magiging epektibo sa Oct. 4, kung hindi matutulungan ang dalawang planta.  

 

“Nakikiisa kami sa pamahalaan para sa kapakanan ng konsyumer. Kahit pa karamihan sa mga power producers ay ipinapasa sa mga konsyumer ang dagdag na gastos ay tinanggap namin ang karagdagang gastos na ito noong nakaraang taon. Iyan ang dahilan kung bakit hindi gaanong tumaas ang presyo ng kuryente sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon, kumpara sa ibang lugar sa bansa,” paliwanag ni Ang.  

 

Sakaling hindi tanggapin ng ERC ang hiling ng SMCGP at Meralco ay mapipilitan ang Meralco na humanap ng alternatibong pagkukunan ng supply ang Meralco na mas magastos. Kasama na dito ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM).  

 

Sa pagkuha ng Meralco emergency supply ay mas lalo pang tataas ang presyo ng kuryente dahil sa mahinang piso laban sa dolyar at patuloy na pagtaas ng pandaigdigang presyo ng panggatong o coal.  

 

Sa kasalukuyan ay nag-invest na rin ang SMCGP sa pagpapatayo ng pinakamalaking network ng Battery Energy Storage System (BESS) facilities sa Pilipinas at Timog-silangang Asya. Ito ay magbibigay ng reliable supply ng kuryente sa buong bansa at makakatulong sa malawakang paggamit ng renewable energy sa bansa.  

 

Maliban dito ay nag-invest na rin ang SMCGP sa kapasidad ng natural gas para makatulong sa transition ng bansa mula sa coal power.