830 Bulakenyo, benepisyaryo ng TUPAD program ng DOLE

May 830 disadvantaged at displaced workers sa Bulacan ang tumanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program ng Department of Labor and Employment, katuwang ang Provincial Public Employment Service Office. (Bulacan PPAO)

Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng P5,700 kapalit ng 10 araw na community-based labor.

Sinabi ni PESO Head Egbert Robles na higit pa sa sahod, layunin ng programa na pagdugtungin ang agarang pangangailangang pangkabuhayan ng mga indibidwal at ang mas malawak na adhikain ng kaunlaran ng komunidad.

Hinikayat ni Robles ang mga manggagawa na ipagpatuloy ang pagiging “mga kampeon ng komunidad” sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kani-kanilang mga lugar. 

Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na ipagmalaki ang kanilang pagiging benepisyaryo ng TUPAD at patunayan na kapag ang pondo ng pamahalaan ay napupunta sa tamang kamay, nagbubunga ito ng malinaw at makabuluhang resulta.

Sa kabuuang 830 benepisyaryo, 500 ang tinulungan sa ilalim ng DOLE Calamity Fund, 230 ang sinuportahan sa pamamagitan ng pondo mula sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, at 100 naman ang nakinabang mula sa DOLE TUPAD Plus program.

Ang TUPAD program, na ipinatutupad ng DOLE katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ay naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho, agarang tulong pinansyal, at makabuluhang serbisyo sa komunidad upang matulungan ang mga manggagawa na makayanan ang epekto ng economic displacement habang nakapag-aambag sa kapakanan ng publiko.