BOCAUE, Bulacan – May masasakyang bus na libre ang pamasahe ang mga pasaherong mula sa gitna at hilagang Luzon mula sa North Luzon Express Terminal (NLET) na nasa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone, Bocaue, Bulacan.
Ito’y nang maglaan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng nasa 64 units na mga bus na libreng masasakyan sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Maria Kristina Cassion, executive director ng LTFRB, pagtugon ito upang mapagkalooban ng mabilis at maaasahang pampublikong transportasyon ang publikong mananakay, habang pinapaluwag ang daloy ng trapiko.
Ipinaliwanag niya na base sa kasunduan ng LTFRB at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga provincial operation buses mula sa mga lalawigan sa gitna at hilagang Luzon, ay ubligadong huminto lamang at magbaba ng pasahero sa NLET mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Pagbaba ng mga pasahero sa NLET, lilipat naman sila sa mga naka-abang na mga city operation buses na maghahatid sa kanila patungo sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City. May biyahe rin mula sa NLET na papunta sa Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX.
Mula sa nasabing mga integrated terminals, may mga biyahe rin na city operation buses pabalik sa NLET upang doon naman makasakay ng provincial buses na patungo sa kani-kanilang mga lalawigan sa gitna at hilagang Luzon.
Pagsapit ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, hindi na dadaan sa NLET ang mga provincial buses dahil uubra na silang dumerecho sa kani-kanilang mga terminals sa Metro Manila.
Target ng LTFRB na makapagbigay ng libreng sakay hanggang sa Hunyo 2022. Habang patuloy na pinag-aaralan ang lalo pang pagpapabuti ng sistemang ito kaugnay ng mga biyahe ng mga provincial buses na papasok at palabas ng Metro Manila.