Lola, dalagita patay sa sunog sa Meycauayan

PATAY ang isang 60-anyos na senior citizen kasama ang katulong nito na 17-anyos na dalagita  makaraang makulong sa loob ng nasusunog nitong “ukay-ukay” store sa Barangay Poblacion, City of Meycauayan, Bulacan nitong Martes ng madaling-araw.
 
Kinilala ang mga biktima na sina Milagros Glorioso, nakatira sa No. 45 Rivera St., may-ari ng nasunog na “ukay-ukay” stall at ang dalagitang si Jackie Arevalo, store-keeper, residente ng Sports Complex kapwa sa Barangay Pandayan ng nasabing lungsod.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-2:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente makaraang lamunin ng apoy ang tinadahan ng biktima na “Irene Ukay-ukay” na matatagpuan Peoples Market na 2-story commercial building sa Barangay Poblacion habang ang dalawang biktima ay nakulong sa loob ng nasabing tindahan.
 
Nabatid na isang tawag mula sa security guard na si Jaypee Escobar ang natanggap ng Meycauayan City Fire Department hinggil sa nagaganap na sunog sa nasabing establisyimento.
 
Ayon kay SFO4 Lauro Claus, ang mga biktima ay natagpuan magkayakap malapit sa bintana ng ikalawang palapag na kapwa nalitson dulot ng sunog na umabot sa ikalawang alarma bago naapula dakong alas-3:10 ng umaga.
 
Ayon naman kay BFP Investigator, patuloy na inaalam ang naging sanhi ng sunog na posible umanong  faulty wiring mula sa unang palapag.