‘Ligtas Eskwela’ inilunsad ni Mayor Rico Roque sa Pandi

Inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng Pandi, Bulacan sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque ang “Ligtas Eskwela” sa ilalim ng “Schools Safety Measures/ Inspection and Disinfection” program upang matiyak ang kaligtasan at kausugan ng bawat mag-aaral gayundin ang integridad ng mga school buildings mula sa mga private at public schools.
 
Dahil sa sunod-sunod na  paglindol na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa nakababahalang paglaganap ng nakahahawang sakit dulot ng virus tulad infuenza-like illness, nakatuon ang Pandi LGU sa  pagiging handa at masigurong ligtas ang mga mag-aaral, guro at kawani ng paaralan.
 
 
Ang 2-day “Ligtas Eskwela” activity ay isinagawa mula Oktubre 16-17, 2025 sa lahat ng paaralan sa nasabing bayan sa pangunguna ng mga Barangay Officials, DepEd Personnel, Municipal Disaster Risk Reduction an mnagement Office (MDRRMO), Engineering Office, Municipal Health Office (MHO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire and Protection  (BFP) at iba pang kawani ng pamahalaan. 
 
Ayon kay Mayor Roque, napapanahon ang masusing inspeksyon ng bawat school building para masiguro ang integridad ng konstruksyon ng bawat paaralan dahil sa sunod-sunod na paglindol gayundin ang malawakang disinfection ng mga silid-aralan ng lahat ng pribado at pampublikong paaralan para sa kaligtasan ng mga estudyante.
 
“Hangad po namin ang isang Ligtas Eskwela para sa bawat Kabataang Pandieño at kapanatagan ng kalooban ng mga magulang na ang kanilang anak ay ligtas sa loob ng paaralan,” ani Roque.
 
Dahil dito, ipinatupad ang 2 araw na ‘No Face to Face Classes’ sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan upang masiguro ang kaligtasan at kahandaan ng mga mag-aaral, guro at lahat ng kawani ng mga paaralan.
 
“Titiyakin po natin na ligtas gamitin ang mga gusali ng ating mga  paaralan kasabay ng disinfection upang mapigilan ang mga nakahahawang sakit dulot ng virus tulad ng influenza-like illness,” pagtatapos ni Roque.