LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Magkasamang isinusulong ng Philippine National Police (PNP)- Bulacan Provincial Police Office (BPPO) at ng Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD) na matiyak ang kaligtasan ng mga siklista sa lalawigan at malatagan ng mga Bike Lanes ang mga pangunahing lansangan sa Bulacan.
Iyan ang layunin ng ginanap na Sikad 2 ng Pulisya at Komunidad Tungo sa Ganap na Pagbabago kung saan nasa 600 na mga siklista ang lumahok sa 40 kilometrong pagbibisikleta na nagsimula sa Kampo Alejo Santos sa Malolos, ayon kay Reneil Mercado na vice chairman ng PAGPTD-Bulacan.
Tumahak ito sa Manila North Road patungong Calumpit, kumanan sa Calumpit-Pulilan Road, kumaliwa sa Pulilan-Baliwag Diversion Road kung saan mayroon itong 9.5 kilometrong bike lanes sa magkabilang panig, kumanan sa Daang Maharlika mula sa Baliwag hanggang sa Plaridel at pabalik sa Kampo Alejo Santos.
Iniulat naman ni P/Lt.Col. Eulogio Lamqui III, hepe ng Bulacan Provincial Police Strategy Management Unit (PPSMU), aabot sa 600 na mga indibidwal ang lumahok sa pagbibisikleta kung saan 130 sa mga ito ay mga kapulisan mula sa 20 Municipal Police Office, apat na City Police Office at sa Provincial Mobile Force Company at Provincial Police Strategy Management Office.
Kaugnay nito, bawat isang kalahok sa Sikad 2 ay nag-ambag ng P350 sa kada ticket kung saan tinatayang nasa P210 libo ang nalikom na gagamitin naman para sa makumpleto ang mga pasilidad sa bagong tayo na Multipurpose Building ng PNP BPPO sa loob ng Kampo Alejo Santos.
Kabilang sa mga kagamitan ilalagay sa nasabing pasilidad ay 50 monoblock chairs, cabinet, table, tripod at sound system.