TULOY-TULOY na ang isinasagawang pagtulong ng “Gusto Ko Healthy Ka (GKHK) Foundation” para sa mga mamamayan ng Lungsod ng San Jose Del Monte kung saan kamakailan ay isinagawa ang pormal na paglulunsad nito.
Nabatid na umabot na sa mahigit 500 buntis ang pinagkalooban ng libreng panganganak habang 200 pang indibidwal naman ang tumanggap ng libreng cataract operation handog ng isang pilantropong cancer patient mula sa kaniyang itinatag na institusyon, ang “Gusto Ko Healthy Ka (GKHK) Foundation.
Nito lamang nakaraang Setyembre 14, 2022 ay inilunsad ni Dr. Rosalyn Cabuco ang GKHK Foundation kung saan isinagawa ang formal launching nito sa City of San Jose Del Monte Convention Center na dinaluhan ng ibat-ibang civic oriented groups.
Kilala bilang Good Samarithan, si Cabuco ay na-diagnose na mayroong breast cancer taong 2017 at sumailalim sa ibat-ibang proseso ng paggamot magpa-hanggang ngayon at mula noon ay sinimulan na nito ang pagtulong sa kapwa partikular na sa mga lubos na nangangailangan.
Ang GKHK Foundation ay direktang tumutulong partikular na sa mga buntis, senior citizen, kabataan, kababaihan at mga cancer patients.
Ang ceremonial launching ng GKHK Foundation ay kaalinsabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Cabuco kung saan labis ang pasasalamat nito sa mga dumalo at sumuporta sa paglulunsad.
Ayon kay Melody Espenida, kapatid ni Cabuco at siyang tumatayong Chairman ng GKHK Foundation, sa mga nakalipas nilang community services ay umabot na sa 500 buntis ang nakinabang ng libreng panganganak at 200 mga pasyente naman ang na-operahan sa cataract habang 800 pang pasyente ang nakapila para sumailalim sa operasyon.
Nabatid na nasa mahigit 3,000 indibidwal naman (diabetic, high blood, heart disease) ang nabibiyayaan libreng gamot para sa kanilang medical maintenance.
Pahayag ni Espenida, sa ngayon ay 10 cancer patients pa lang ang hawak nila na tinutulungan dahil sa nagsisimula pa lang sila at kulang pa ang kanilang sponsors.
“Putting up GKHK Foundation is my sister’s dream to serve the community is now a reality, this is only the beginning of our first big step to help. We are grateful and thankful to those who supported us and believe in our advocacy to make this foundation came true,” wika ni Espenida.
Bukod sa mga nabanggit na pagtulong ay inilunsad din ng GKHK Foundation ang Roving Medical Aide na umiikot sa mga barangay at naghahatid ng mga libreng konsulta at pamamahagi ng mga gamot at vitamins.
Nagsasagawa rin ang GKHK ng mga counseling sa mga magulang nang sa gayun ay ma-ipaalam sa mga ito ang tamang pakikitungo at pagtrato sa kanilang mga anak.
Inaasahan na sa mga susunod na panahon ay mas marami pang mga kababayan ni Cabuco ang matutulungan ng GKHK Foundation matapos ang isinagawang launching nito na suportado ng mag-asawang Mayor Arthur Robes at Congresswoman Rida Robes.
Si Dr. Cabuco ay kasalukuyang City Councilor sa Lungsod ng San Jose Del Monte.