UPANG higit na mapahusay ang mga serbisyo at mapataas ang kanilang moral, 4,166 na Mother Leaders (ML) at 636 na Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) ang nabigyan ng tig P3,200 at P4,000 na tulong salapi sa isinagawang dalawang araw na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tinawag na ‘Distribution of Allowance to Mother Leaders and Lingkod Lingap sa Nayon’.
Ang pamamahagi ay personal na ipinagkaloob sa pangunguna nina Gobernador Daniel Fernando, Bise Gob. Alex Castro at Rowena Tiongson, head ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Ayon kay Tiongson, may kabuuang 1,275 MLs at 169 LLNs mula sa Unang Distrito at 1,061 MLs at 170 LLNs mula sa Ikatlong Distrito ang tumanggap ng kanilang cash incentives noong Hulyo 11 sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Sta. Isabel.
Nasa 868 MLs at 152 LLNs mula sa Ikalawang Distrito at 962 MLs at 145 LLNs mula sa Ikaapat na Distrito naman ang tumanggap noong Biyernes sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Sinabi ni Fernando na nakasandal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga ML at LLN sa pagtitiyak na matatanggap ng mga ordinaryong tao ang tulong ng pamahalaan at pati na rin ang pagbibigay kaalaman tungkol sa mahahalagang anunsyo.
“Mahalaga ang gampanin ng ating mga Mother Leaders at Lingkod Lingap sa Nayon; sila ang kumakatawang ina sa ating mga komunidad na kumakalinga at nangangalaga sa ating mga kalalawigan, lalo na iyong mga nangangailangan. Sila ang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at umaasa kami sa inyong mabuting serbisyo upang lalong mapabuti ang ating lalawigan. Asahan ninyo na patuloy rin ang suporta sa inyo ng pamahalaan kapalit ng inyong walang katumbas na pagmamahal sa ating kapwa,” anang gobernador.
Sa mensahe naman ni Vice-Gob. Castro, ibinida nito na malapit umano sa puso niya ang mga LLNs at mga Mother Leaders dahil ang kanyang ina ay isa ring Mother Leader, isang boluntir sa Baranggay.
“Ang akin ina ang siyang nagmulat sa inyong lingkod bilang isang lingkod-bayan! Kaya saludo po ako sa lahat ng mga Mother Leaders! Mabuhay po kayo at ang ating dakilang lalawigan ng Bulacan,” wika ni VGob Castro..
Nabatid na regular na ibinibigay ang tulong pinansiyal para sa mga ML at LLN kada quarter.
Isinagawa ang quarterly meeting kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon kung saan tinalakay din ng PSWDO ang mga direktiba ng gobernador hinggil sa pag-iwas at pagkontrol sa dengue at ang mga tulong na maibibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga ML at LLN.