Libreng Sakay program o Service Contracting Program, palawigin- Pres. Marcos, Jr.

Binahagian ang Katropa ng isang ulat na atin ding ikinasiya, ganito ang pagkakasalaysay na  naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.4 bilyon na karagdagang pondo para sa Libreng Sakay program o Service Contracting Program.

 

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawigin ang nasabing programa sa EDSA Bus Carousel hanggang sa katapusan ng Disyembre. Inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) upang masakop ang karagdagang mga kinakailangan sa pagpopondo para sa pinalawig na pagpapatupad ng Service Contracting Program.

 

“Ito pong paglagak natin ng karagdagang pondo ay suporta natin sa hangad ni Pangulong Marcos na i-extend at programang Libreng Sakay ng Department of Transportation at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board hanggang Disyembre.

 

Tsk! Tsk! Tsk! Lider na may malasakit, may damdamin at dunong iyan ang nasa ‘aura’ ng ating Pangulong Bong Bong Marcos. Ang ‘Libreng Sakay program o Service Contracting Program’ ay isang malaking kaginhawahan, tulong sa mga ‘commuters’ na talagang may problema sa pagtaas ng presyo ng pasahe. Kung sinuman nagkaisip ng ganitong programa, ay patuloy kang pagpalain ng Maykapal!

***

Kasaysayan ng Lalawigan Bulacan, ipasa pati sa susunod na salinlahi!

“May dugong nananalaytay sa bawat isa sa atin na dugo ng bayani. Nananalaytay po sa atin ang kabayanihan na ipinamana at nahuhulma sa atin. Kaya naniniwala po ako na mananatiling magiting ang lalawigan ng Bulacan sa susunod pang isang daang taon at apat na daang taon,” wika Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva, matapos nitong himukin ang mga bulakenyo na ipasa sa susunod pang henerasyon ang mayamang kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng paggawa nitong paksa sa mga hapag-kainan sa ika-444th Bulacan Foundation Anniversary na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium, kamakailan.

Nagbigay siya ng ilang paksa, ito ay ang pagpapatingkad ng diwa ng Bulakenyo sa gitna ng patuloy na modernisasyon ng lipunan; pagbibigay-diin sa kontribusyon ng Bulacan sa kasaysayan; at pagsulong ng pagpapalawak ng papel ng Bulacan sa pagbuo ng bansa.

“Nasa atin ang oportunidad na himukin ang ating mga kababayan lalo na ang mga kabataan na mahal ang ating lalawigan at mag-alay ng talino at lakas para sa Inang Bayan. Ito ang tunay na kabuluhan ng araw ng pagkakatatag ng ating lalawigan,” ayon naman sa butihing Ama ng nasabing Lalawigan Daniel Fernando.

Tsk! Tsk! Tsk! Nararapat lamang na patuloy na paalalahanan ang mga kabataan at susunod pang salinlahi, lalo na kung ang mayabong na kasaysayan ng nasabing Lalawigan ang paguusapan. Sa magaling na Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva at sa butihing Ama ng nasabing Lalawigan Daniel Fernando, muli at muli ang aming papuri. Hanggang sa muli!