Tumanggap ng free artificial leg o prosthetic feet ang may 38 persons with disability (PWD) partikular na sa mga indibiduwal na naputulan ng paa mula sa Mahaveer Philippines Foundation sa pakikipagtulungan ng Bulacan Provincial Government at Philippine General Hospital (PGH) nitong Huwebes na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang pamamahagi ng artificial leg sa mga Bulakenyo ay naisakatuparan sa tulong ng Mahaveer Philippines Foundation (MPF) na siyang nag-sponsor ng mga pinamigay na prosthetic feet.
Ayon kay Fernando, ang isang prosthetic leg ay nagkakahalaga ng P40,000 hanggang P60,000 kaya nagpapasalamat siya sa sponsor dahil malaking tulong umano ito sa mga Bulakenyong PWDs.
Nabatid na bukod sa Mahaveer, counter part din sa nasabing proyekto ang Indo Phil Textile Mill Inc. na pawang mga Indian nationals ang mga nangangasiwa.
Ayon kay Athenie Bautista, provincial medical department head, ito umano ay bahagi ng programa ng provincial government at Damayang Filipino Foundation Inc. na maipaabot ang mga tulong para sa mga PWDs.
Sinabi naman ni Angelito Cruz, representative at ‘person to contact’ ng Mahaveer Philippines, katuwang rin dito ang PGH na siyang nagsagawa ng pagkuha ng sukat ng binti ng bawat beneficiaries.
Aniya, ito ay ikatlong beses na ng pamamahagi nila ng libreng artificial leg kung saan una nang nakatanggap ang 2 batch na nasa 67 beneficiaries sa bayan ng Guiguinto.
Nabatid na mayroon din magaganap na kaparehong programa ang mga residente ng City of San Jose Del Monte sa Marso ng susunod na taon 2022.