Libreng paligo sa Amana Waterpark handog ni Mayor Roque sa mga batang 5-11-anyos na magpapabakuna

Tuwang-tuwa ang mga bata sa paliligo sa Amana Waterpark Resort sa Pandi, Bulacan matapos sumailalim sa 1st dose vaccination sa ginanap na Resbakuna Kids vaccination roll out nitong Martes, Pebrero 22, 2022. Kuha ni ERICK SILVERIO
LIBRENG paligo sa isang resort ang estratehiya ng lokal na pamahalaan ng Pandi, Bulacan para sa mga batang nasa edad 5-11 taon gulang na magpapabakuna matapos simulan dito ang “Resbakuna Kids” vaccination rollout kontra Covid-19 nitong Martes.
 
Upang maibsan ang takot ng mga bata na magpabakuna ay libreng paligo sa Amana Waterpark Resort ang alok ni Mayor Enrico Roque para sa mga bata pagkatapos mabakunahan ang mga ito.
Si board member aspirant Ricky Roque ng 5th District habang nakikisalamuha sa mga batang tumanggap ng bakuna sa isinagawang Resbakuna Kids sa Amana Waterpark Resort sa bayan ng Pandi, Bulacan.
 
Bukod sa libreng paligo ay nakasuot naman ng costume ng Avenger character superhero na si Iron Man ang may-ari ng resort na si dating konsehal Ricky Roque, na tumatakbong board member ng 5th District na nagbigay ng kasiyahan at libreng ice cream sa mga bata. 
 
Ayon kay Roque, ang 5-day bakunahan sa mga bata ay nagsimula Pebrero 21-25, 2022 katuwang ng munisipalidad ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Rural Health Unit (RHU).
 
Pfizer vaccine ang itinurok sa first dose ng bakuna kung saan ay halos nasa 10,000 mga bata ang eligible na mabakunahan.
 
Ayon pa sa alkalde, nitong Lunes ay nasa 1,512 na bata ang nabakunahan habang nasa 1,800 naman ng Martes buhat sa 22 barangay sa nasabing bayan.
 
“Mahalagang mabakunahan agad ang mga bata para siguradong ligtas sa Covid-19 para makapag-face-to-face classes na sila,” ayon kay Roque.
 
Nabatid na nasa walo na vaccination site ang itinalaga ni Roque kabilang ang San Roque Elementary School, Mamerto C. Bernardo Memorial Central School, Masuso Elementary School, Mapulang Lupa Elementary School, Malibo Bata at Malibo Matanda Elementary School, Bunsuran Elementary School at Sto. Niño Elementary School.