LALAKI ARESTADO NG PRO3 SA SEARCH WARRANT, MAHIGIT PHP 500K NA SHABU KUMPISKADO

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Naaresto ng mga awtoridad ang isang 33 taong gulang na lalaki nitong Byernes, Disyembre 6,matapos siyang mahulihan ng ilegal na droga sa kanilang isinagawang search warrant sa Brgy San Jose, Angeles City.
 
Nadakip si alyas “Bullet” na residente ng nasabing barangay dahil sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa pamamagitan ng bisa ng search warrant No. 24-384 na inisyu ni Kagalang-galang na Hukom Eda P. Dizon, Executive Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Angeles City na ipinatupad ng magkakatuwang na tauhan ng Police Station 1, Criminal Investigation Unit, Angeles City Police Office at CMFC SWAT ACPO.
 
Nakumpiska sa suspek ang mga sumusunod: isang (1) timbangan, isang (1) itim na sling bag, isang (1) kayumangging leather sling bag, isang (1) itim na pouch, isang (1) transparent plastic ice pack na may lamang hinihinalang shabu at dalawampu’t limang (25) heat-sealed na transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may bigat na 75 gramo at nagkakahalaga ng Php510,000.00 standard drug price.
 
Ayon kay PBGEN REDRICO A. MARANAN, Regional Director ng Police Regional Office 3, “Ang sunud-sunod na tagumpay ng aming mga operasyon ay patunay ng walang-humpay na pagsisikap ng PRO3 sa paglaban sa ilegal na droga. Patuloy kaming magsusumikap upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan at tiyakin ang kapayapaan sa ating rehiyon.”