Lagundi at VCO kontra Covid

Sentro Punto ni: Manny C. Dela Cruz
May panlaban na ang mga Pilipino sa sakit na idinudulot ng Covid 19 at ng kanyang mga variant tulad ng Omicron. Ito ay makaraang mapatunayan ng  Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na ang pag-inom ng virgin coconut oil (VCO) ng mga pasyente na mayroong mild Covid 19 disease ay nakatutulong sa kanilang paggaling.
 
Maging ang dahon ng lagundi sa anyong tableta o syrup man ay nakatutulong din umano sa mga taong nagpapagaling sa kanilang mild Covid 19 disease. Hindi naman nilinaw ng nasabing mga ahensiya na ang lagundi at VCO ay ultimong gamot laban sa covid kungdi mas epektibo pa rin umano ang Covid 19 medicines tulad ng Remdesivir na antiviral medicine.
 
Nitong nakaraang mga buwan, napaulat na ang halaga ng Remdesivir na itinuturok sa mga Covid patient na nasa seryosong kalagayan ay humigit kumulang P25,000, pero ayon sa Department of Health ang dapat na presyo ng Remdesivir ay P5,000 lamang.
 
Kaya mabigat ang gamutan sa mga taong mayroong severe Covid 19 na naka-confine sa ospital. Ilang beses silang tuturukan ng Remdesivir at sa taas ng presyo ng gamot na ito ay sasakit ang mga ulo ng mga kaanak ng maysakit dahil sa malaking gastos ng kanilang kaanak na pasyente na naka-confine sa pagamutan.
 
Mabuti na lang sana kung mild lang ang natamong covid ng pasyente dahil makatutulong sa kanila itong VCO at lagundi tablet at lagundi syrup o kaya naman ay sariwang dahon ng lagundi na inilalaga sa tubig para inumin ng pasyenteng may covid.
 
Pero kung seryoso ang lagay ng pasyenteng may covid ay talagang kakapit sa patalim ang kanyang mga mahal sa buhay para sa kaligtasan ng pasyente at anomang gamot ang irereseta ng duktor para sa pasyente ay tiyak na kanilang bibilhin tulad ng Remdesivir.
 
Pero may maganda balita para sa mga covid patient dahil may paparating ng murang gamot para sa covid, ang Molnupiravir drug na ang halaga sa merkado ay P150 kada kapsula at kung dito imamanupaktura ang nasabing gamot ay maibababa sa halagang PHP50 hanggang PHP75 per capsule na lamang.
 
Ang Molnopiravir ay minamanupaktura ng foreign pharmaceutical company. May kasunduan na umano ang ating pamahalaan at ang naturang drug company na dito gagawa ng local Molnopiravir medicine para abot-kaya ng mahihirap na Pilipino ang nasabing gamot na panlaban sa covid.
 
Ang kainaman ng gamot na ito ay iinumin lang at hindi ituturok. Dahil nasa anyong kapsula, madali nang ipanggamot ang Molnopiravir. Ganyan lang talaga ang panahon. Kung noon ay kumakapit ang mga Pilipino sa mamahaling gamot, ngayon ay maluluwagan na tayo dahil mayroon ng murang gamot na panlaban sa covid.