Hindi napatunayan sa isinagawang mga pagdinig ng binuong Task Force-LAG na nagkaroon umano ng anomalya sa isyung pagkaltas ng Magic 7 Cooperative sa Livelihood Assistance Grants (LAG) na kaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) buhat sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensiya sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Sa inilabas na resolusyon ng DENR Region 3, nabatid na hindi naka-comply sa ilang mga panuntunan ang Magic 7 Cooperative kung kayat ipinag-utos dito na ibalik na lamang ang kinaltas na P5,000 sa mga LAG beneficiaries.
Ipinahayag ng Magic 7 Cooperative na nasa 80 porsiyento ng kinolektang Livelihood Assistance Grants (LAG) ang naibalik na sa mga beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development-Sustainable Livelihood Program (DSWD-SLP) sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Ayon kay Nick Cabias, presidente ng Magic 7 Cooperative na matatagpuan sa Pandi Residence 3, barangay Mapulang Lupa sa bayan ng Pandi, umaabot na sa mahigit P4M ang nai-refund nila buhat sa LAG ng 1,201 beneficiaries na kinolektahan nila ng P5,000.
Pahayag pa ng Magic 7, pinakamatagal nang aabutin ng pag-refund nila ay sa Enero ng 2022 dahil hanggang sa ngayon ay kinokolekta pa nila ito sa mga miyembro ng Magic 7 na nag-loan.
Ang LAG refund ay kaugnay ng release order sa 12-pages DSWD Special Resolution na pirmado nina Secretary Rolando Joselito Bautista, Atty. Aimee Neri- Fact Finding Committee chair at Joseph Lagman ng Grievance Management Committee na nag-aatas sa Magic 7 Cooperative na ibalik ang kinaltas na P5,000 to P10,000 mula sa mga LAG beneficiaries sa bayan ng Pandi.
Pinagbasehan ng resolution ng DSWD Fact-Finding Committee for the Implementation of the SLP-LAG ay ang mga isinumiteng resolution na isinagawa ng hiwalay na Task Force-LAG investigation buhat sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at local task force ng Local Government of Pandi na kung saan ay hindi naman napatunayan na nagkaroon ng anomalya sa isyu ng pagkaltas.
Lumabas dito na tama naman ang layunin ng Magic 7 Cooperative ngunit nagkaroon lamang ng teknikal kung paano dapat gamitin ang ikinaloob na cash assistance na dapat sana ay individual investment.
Nabatid na nito lamang Nobyembre 11, 2021 nang matanggap ni Cabias ang Special Resolution Order ng DSWD na may petsang November 3, 2021 kung saan ay pinapayagan din ang Magic 7 sa kanilang kahilingan na mabigyan sila ng 6-8 buwang palugit para maibalik ang nakolektang LAG.
Pero giit ni Cabias, bago pa man ang order ng DSWD ay nagsimula na sila nitong Oktubre sa pag-refund at ngayon ay halos nasa 80% na ang naibabalik sa 1,203 benepisyaryo kabilang ang naunang batch 192 recipients at 1,009 sa sumunod na batch.
Ang tinukoy na violation ng Magic 7 ay ang paglalaan ng kinolektang puhunan para sa “grupo” na ayon sa guidelines ng DSWD ay indibidwal na pamumuhunan ilalaan ang kaloob na cash assistance at hindi pinapayagan ang bakas-bakas na pamumuhunan.
“Isinoli na namin ang pera sa mga tao wala pa man ang order from the DSWD matapos ang series of investigations to show our sincerity na malinis ang intensyon namin at hindi namin batid ang aming pagkukulang,” Cabias said.
He added ” We will see to it na hindi na kami magkakamali sa pagtugon sa mga guidelines sakali kami ay pagkatiwalaan muli”.
Nabatid na umabot sa 3,521 ang legit beneficiaries ng LAG sa bayan ng Pandi na tinatayang nasa halos P53-milyon ang inilaang budget at ito ay ilalaan para sa livelihood o microenterprise purposes lamang o sustainable business.
Paglilinaw din ni Cabias na ang kanilang nagawang hakbang o pamamalakad sa Magic 7 Cooperative ay walang kinalalaman o pananagutan ang lokal na pamahalaan ng Pandi.
Giit nito, wala umanong katotohanan ang unang alegasyon ng 15 indibiduwal na sila ay puwersahang kinaltasan ng Magic 7 Cooperative ng P5,000 mula sa natanggap na LAG at hindi ito ang dahilan kung bakit ipinabalik ng DSWD ang pera kundi sa kadahilanang may nalabag silang patakaran sa guidelines.