Inatasan ng lokal na pamahalaan ng San Miguel, Bulacan ang kapulisan ng naturang bayan na resolbahin ang magkasunod na krimen na naganap dito nitong Miyerkules.
Ayon kay Mayor Roderick Tiongson, binigyan niya ng direktiba si San Miguel Chief of Police Lt.Col. Avelino Protacio II na resolbahin sa loob ng 48-oras ang insidente ng pamamaril sa dalawang barangay Tanod ng Sta. Ines na sina Noli Ramos at Pascual Aquino bandang 6:30 ng gabi.
Ang dalawa ay kasalukuyang nasa pagamutan matapos magtamo ng mga tama ng bala habang ang mga salarin na riding in tandem ay agad na tumakas.
Ilang oras matapos ang unang insidente ay dalawang tauhan naman ni Mayor Tiongson ang tinutukan ng baril at inagawan ng motorsiklo habang tinatahak ang barangay ng Biak na Bato.
Natangay mula sa mga biktimang sina Ranier Ramirez 17-anyos at Ariel Dumapig ang isang Yamaha Aerox motorcycle.
Ayon kay Tiongson, nais niya na agad matukoy at madakip ang mga nasa likod ng nasabing mga insidente.
Sinabi naman ni Col. Protacio, nagsasagawa na sila ng malalim na imbestigasyon hinggil sa mga nabanggit na insidente at mag-uulat sa mga development nito sa tanggapan ng alkalde sa loob ng itinakdang 48-oras