LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – Nilagdaan na ang kontrata para sa pagbubuo o pag-assemble ng karagdagang 304 na mga bagon ng tren o train cars, para sa kabuuan ng North-South Commuter Railway (NSCR) System kamakailan.
Isinagawa ito kasabay ng pormal na paglulunsad sa publiko ng kauna-unahang train set ng NSCR Phase 1 sa magiging depot nito na nasa hangganan ng Barangay Bangkal sa Meycauayan City at Barangay Malanday sa Valenzuela City.
Kapag nagsimula nang dumating sa Pilipinas ang karagdagang 304 na mga bagon simula sa 2023, patatakbuhin ito sa kabuuang system ng NSCR mula sa Clark International Airport sa Pampanga, dadaan sa Malolos, Tutuban hanggang umabot sa Calamba, Laguna.
Ipinaliwanag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Timothy John Batan, kapareho ito sa naunang 104 na train sets na ipinagawa ng ahensiya sa Japan Transport Engineering Corporation (J-TREC) na nakabase sa Yokohama, Japan.
Ito ang mismong tren na bibiyahe sa ruta ng NSCR Phase 1 mula Tutuban, Maynila hanggang Malolos, Bulacan kapag nagsimula na ang full-operation nito sa taong 2023.
Bawat isang train set ay may walong train cars o bagon na magkakadugtong na may habang 160 metro at kayang tumakbo ng 120 kilometer per hour.
Harapan ang mga upuan nito na kayang maglulan ng 45 hanggang 54 katao na nakaupo, at mga nasa 300 katao na nakatayo sa bawat bagon. Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, kalaunan ay kaya nitong maglulan ng nasa isang milyong katao sa bawat araw na pagbibiyahe.
Gawa sa lightweight stainless steel ang bawat bagon na may bigat na 270 metro tonelada. May taas itong 13 na talampakan at pitong pulgada na may lapad na 2,950 millimeters.
May halagang P12 bilyon ang naturang mga bagon ng tren na ginawa ng Sumitomo Corporation at Japan Transport Engineering Corporation (J-TREC) para sa NSCR Phase 1. Habang nasa P201 bilyon ang halaga para sa mga tren na tatakbo partikular sa NSCR Phase 2 na kapwa pinondohan ng Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kaugnay nito, binigyang diin ni Secretary Tugade na hindi na mapipigil ang proyektong NSCR, dahil nasa kasagsagan na ang paggawa at nakikita na ang mga magagandang resulta gaya ng malawakang paglikha ng mga trabaho.
Inayunan naman ito ni Sakamoto Takema, kinatawan ng JICA na nagsabing, nalulugod ang bansang Japan na makitang nakakatulong ito sa Pilipinas na masimulan nang matupad ang matagal nang pinapangarap na pagbuhay sa railways system ng bansa.
Samantala, ayon kay Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko, ang konstruksiyon at ang magiging operasyon ng NSCR ay may malaking ambag sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemya at pakikinabangan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.