UMABOT na sa Marilao ang ginagawang East Service Road na nasa gilid ng northbound lane ng North Luzon Expressway o NLEX.
Pinahaba ito ng dalawang kilometro hanggang sa tulay ng barangay Lias sa Marilao. Karugtong ito ng bagong bukas na 1.2 kilometro na unang bahagi nagsisimula sa hangganan ng Valenzuela at Meycauayan hanggang sa Iba Libtong exit ramp.
Nasa 200 milyong piso ang inilaan ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa extensyon ng proyekto sa bahagi ng Marilao.
Sinabi ni DPWH Regional Director Roseller Tolentino na kapag nakumpleto ang kabuuan ng proyekto sa 2022, pwede nang bumiyahe nang hindi na kailangang lumabas sa NLEX mula sa Valenzuela, Meycauayan hanggang sa Marilao.
Nauna nang pinasinayaan ang unang bahagi ng East Service Road sa Meycauayan na may habang 1.2 kilometro na nagkakahalaga ng 294 milyong piso.
Ayon kay DPWH Bulacan Second District Engineer George Santos, bukod sa dalawang linyang salubungan na kalsada, ang bahaging ito ay may isang tulay na tumatawid sa Meycauayan River.
Sinabi naman ni Meycauayan City Mayor Linabelle Ruth Villarica, mapapaluwag pa nito ang daloy ng trapiko sa pagpasok at paglabas ng Meycauayan main exit ng NLEX.
Bahagi ito Road Development Master Plan ng binuo ng pamahalaang lungsod noong 2017 gaya ng pagbubukas ng mga exit ramps sa Pandayan, Libtong at ang expansion ng main Meycauayan Exit.
Ang lupang nilatagan ng East Service Road sa tabi ng NLEX ay bahagi ng pag-aari ng pamahalaan bilang isang right-of-way ng NLEX. Dati na itong bahagi ng pinamamahalaan ng NLEX Corporation bilang konsesyonaryo ng nasabing expressway.
Sa bisa ng pahintulot ng Toll Regulatory Board, ipinagamit ang nasabing lupa upang gawan ng kalsada at mabuksan ang mga katabing lupa sa mga potensiyal na mga mamumuhunan.
Samantala, nakalinya na rin sa plano na bahagi ng Road Development Master Plan ng Meycauayan, ang pagtatayo ng isang tulay na tatawid sa ibabaw ng NLEX mula sa East Service Road papunta sa western side ng lungsod.