Kelot timbog sa pagbebenta ng pekeng sigarilyo

Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Sa ilalim ng direktiba ng Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio Naryatez Jr,  at bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na produkto at smuggling activities, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan Police Provincial Office, katuwang ang Marilao Municipal Police Station, ang isang lalaki na nahuling nagbebenta ng pekeng sigarilyo sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Sta. Rosa II, Marilao, Bulacan noong Nobyembre 5, 2025.
 
Sa report ni PLTCOL Russell Dennis Reburiano, Chief ng PIU Bulacan PPO kay Bulacan PPO PCOL Angel Garcillano , kinilala ang suspek na si alias Bert at residente ng Ville Delabonte, Brgy. Prenza 1, Marilao, Bulacan. 
 
 
Nahuli umano ang suspek habang ibinibenta ang limang (5) kahon ng pekeng “Modern” brand cigarettes na naglalaman ng tig-lilimampung (50) rim bawat kahon, gamit ang isang tunay na Php 1,000.00 bill at 49 pirasong boodle money.
 
Ang operasyon ay isinagawa bilang tugon sa paglabag ng suspek sa Republic Act No. 7394 (The Consumer Act of the Philippines) at Republic Act No. 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003). Ang suspek at ang mga nasamsam na ebidensiya ay dinala sa tanggapan ng PIU Bulacan PPO para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
 
Ayon kay PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Patuloy ang kampanya ng Bulacan PNP laban sa mga ilegal na produkto at smuggling upang maprotektahan ang kabuhayan at kalusugan ng ating mamamayan. Hindi natin hahayaang makalusot ang mga ganitong uri ng ilegal na gawain sa ating lalawigan.”