PINAYUHAN ni Sen. Joel Villanueva ang mga nagsisipagtapos na estudyante ng Bulacan State University (BulSU) na huwag sumuko sa mga pagsubok na kinakaharap ngayon ng bansa, at magpatuloy na payabungin ang kanilang karunungan.
Ito ang naging mensahe ng senador sa 11,285 na graduates ng BulSU bilang panauhing pandangal sa 81st Commencement Exercises ng unibersidad na ginanap sa Philippine Arena nitong Biyernes (Hulyo 15).
Sa kanyang talumpati, binanggit ni Villanueva na maraming kinakaharap na pagsubok ang sistema ng edukasyon sa bansa. Isa na dito ang mahinang performance ng mga Pilipinong estudyante sa math, science, at reading comprehension kumpara sa ibang bansa, ayon sa ilang pandaigdigang pag-aaral. Isa pang pagsubok na binanggit ng senador ay ang kasalukuyang sitwasyon ng unemployment sa bansa, at ang pangangailangan ng mga manggagawa ng skills training.
Gayunpaman, pinayuhan ni Villanueva ang graduating class of 2022 ng BulSU na “keep on learning” at maghangad ng “lifelong learning” upang patuloy na umunlad ang kanilang karunungan at makasabay sa mga pagbabago sa mundo. Sinabi ng senador na importante ang lifelong learning dahil sa mga pag-aaral na halos “back to square one” ang mga natutunan pagkatapos ng limang taon, at paraan din ito upang makipagsabayan sa pag-unlad ng makabagong teknolohiya gaya ng artificial intelligence.
Ibinahagi rin ni Villanueva ang hirap na dinanas niya noong nag-aral siya sa Harvard, at ang personal niyang trahedya sa pagpanaw ng kanyang ina at kapatid. Ayon sa senador, ang mga ito ang nagpatatag sa kanyang karakter at nagturo sa kanya na huwag sumuko sa harap ng pagsubok, na siya ring payo niya sa BulSU graduates.
“Never, never give up. Kahit sabihin pa ng pinakamatalik mong kaibigan, o ng iyong pamilya na hindi mo kaya, huwag kang maniwala sapagkat kaya mo at kaya mong magtagumpay,” sabi ni Villanueva.
Payo rin ni Villanueva sa mga nagsipagtapos na huwag silang pumayag na may magmaliit ng kanilang pangarap.
“Huwag po kayong papayag na sabihin kayo na liitan, paikliin o papangitin ang inyong mga pangarap. Hold on to your dreams. Keep on learning. Never ever give up,” sabi ng senador.
Sinabi rin ni Villanueva na patuloy ang kanyang adbokasiya sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa bansa, mula sa mga naipasa niyang batas gaya ng Philippine Qualifications Framework, Excellence in Teacher Education Act, at Doktor Para sa Bayan Act.
Naghain din kamakailan ang senador ng kanyang mga panukalang Enterprise-based Education and Training to Employment Act, Lifelong Learning Development Framework Act, at pagtatalaga ng National Employment Recovery Strategy sa ilalim ng Trabaho Para sa Lahat ng Pilipino Act.