SINALAKAY ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Animal Kingdom Foundation (AKF) ang isang katayan ng aso kung saan tatlong lalaki ang arestado habang 7 aso naman ang nasagip sa San Ildefonso, Bulacan nitong Martes, Abril 24, 2022.
Kinilala ang mga inaresto na sina Jonathan Caraig @Otan; Richard Burlas; at Elizaldy Labador kapwa mga residente ng Sumandig, San Ildefonso.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong Animal Welfare Act at Anti-Rabbies Act matapos mahuli sa aktong kinakatay ang mga aso.
Dalawang aso ang naabutang patay habang lima pa ang nasagip nang buhay nang isagawa ang operasyon. P300-400 kada kilo ang benta ng karne ng aso.
Ayon kay PCol. Dave Mahilum, hepe ng Bulacan CIDG, agad silang rumesponde makaraang makatanggap ng impormasyon ang AKF hinggil sa naturang ilegal na gawain.
Nabatid na karamihan sa mga parokyano ay pawang mga lokal at kung minsan ay dinadala umano sa Baguio City.
Patuloy naman nagbabala si Atty. Heidi Marquez Caguioa, Program Manager ng AKF na huwag kumain ng karne ng aso dahil mataas helath risks nito at delikadong kainin.
“Please do not eat dog’s meat, it’s not fit for human consumption,” ayon kay Atty. Caguioa.