LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan (PIA)- Mas pinatatag at pinatibay pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong bukas na San Jose Del Monte City Government Center, na itinayo sa barangay Dulong Bayan.
Iyan ang tiniyak ni DPWH-Bulacan Second District Engineering Office head Engr. George Santos sa pagpapasinaya nitong bagong city hall na mahigit 15 taon ang inabot ng pagpapatayo dahil sa pahinto-hintong konstruksiyon.
Aniya, taong 2021 nang magsimulang makatuwang ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte ang DPWH upang maisaayos ang kabuuan ng natenggang gusali na naitayo pa noong 2010. Isinailalim ito sa malawakang retrofitting o ang pagpapatibay at pagpapatatag ng mga naitayong matatagal nang istraktura.
Tinapos din ng DPWH ang mga pagawaing panloob at panlabas na detalyeng pang-istraktura ng nasabing city hall.
Ipinaliwanag ni San Jose Del Monte City Lone District Representative Florida Robes na minarapat ng pamahalaang lungsod na iresolba muna ang mga naging pangbiyurukrasyang usapin noong 2016 bago maituloy noon ang proyekto.
Aabot sa halos P500 milyon ang nagugol upang maisalba ang proyekto. Sa loob ng nasabing halaga, nasa P300 milyon ang inilaan ng DPWH mula sa mga Pambansang Badyet ng 2021, 2022 at 2023. Habang pinagsumikapan naman ng pamahalaang lungsod na pondohan ang kapupunan.
Tinatayang aabot sa P1 bilyon ang naunang nagugol dito mula nang simulang planuhin at itayo ang ngayo’y bagong city hall noong bandang 2010.
Para kay San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes, ang matagumpay na pagtatapos at ngayo’y pagbubukas na ng San Jose Del Monte Government Center ay simbulo ng determinasyon ng pamahalaang lungsod at malinaw na direksiyon tungo sa bisyon na isang ‘Rising City’.
Mayroon itong anim na palapag kung saan ang apat na palapag ang nasa ibabaw ng kalsada at mayroon itong dalawang ground floors. Nilagyan ito ng elevator at ‘isinayaw’ na hagdanan na dinisenyo upang hindi mapagod o hingalin ang mga papanik at bababa rito.
Sa upper grown o ang nagsisilbing first floor, matatagpuan ang City Social Welfare and Development Office o CSWDO. Nasa second floor ang City Treasurer’s Office, Public Employment Service Office (PESO), City Engineering Office, City Tourism Office, Human Resource Office at City Legal Office.
Matatagpuan naman sa third floor ang Office the Mayor at ang Office of the Vice Mayor ang financial cluster ng pamahalaang lungsod gaya ng city budget, assessors at accounting offices.
Habang nasa fourth floor ang malaking session hall ng Sangguniang Panglungsod, mga tanggapan ng mga konsehal at ang City Library. Sa kasalukuyan ay isang maluwag na espasyo pa lamang ang lower ground floor at ang basement nito.
Base sa disenyo ng San Jose Del Monte City Government Center, wala itong likuran kundi ‘parehong harapan’. Ang silangang bahagi ay nakaharap sa bulubundukin ng Sierra Madre kung saan gumawa ng 7-kilometrong River Esplanade na may parkeng puno ng pinong damo, mga halaman at mga bulaklak.
Sentro ng nasabing esplanade ang isang engrandeng Ampitheater na uubrang malulan ang nasa 5,000 manonood sa isang all-seating concert o performances.
Nakaharap ang kanlurang bahagi sa Dulong Bayan-Sapang Palay Road kung saan may maayos na sakayan ng dyip at bus gayundin ang pasukan ng mga sasakyan na paparada sa paligid ng San Jose Del Monte City Government Center. Dito rin matatagpuan ang inilagak na monumento ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may hawak na lampara, na ayon kay Mayor Robes ay magsisilbing tanglaw sa patuloy na malinis at epektibong pamamahala sa lungsod.
Samantala, pinangunahan ni Senador Maria Lourdes ‘Nancy’ Binay ang pagpapasinaya na sinaksihan nina Bulacan Sixth District Representative Salvador Pleyto at mga naimbitahang iba pang mga punong bayan sa Bulacan. Plano naman ni Mayor Robes na gawing multi-sectoral office at isang museo ang dating city hall sa Poblacion.