LUNGSOD NG MALOLOS — Bibiyahe na ang karagdagang 25 brand-new modern jeepney na may ruta sa lungsod ng San Jose del Monte.
Ito ay bahagi ng ipinatutupad na Public Utility Vehicle Modernization Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ayon kay Mayor Arthur Robes, bibiyahe ang mga sila sa Minuyan (Road 12,1 at 2) patungong Sapang Palay hanggang Starmall (Kaypian) via Dulong Bayan.
Ang mga tsuper na dating indibidwal na nagmamay-ari ng mga lumang tradisyunal na jeepney ay nagsama-sama bilang isang kooperatiba.
Tinatawag na sila ngayon Sapang Palay Minuyan Loop Transport Service Cooperative na nabuo sa pag-agapay ng Cooperative Development Authority.
Sinabi ni Robes na kanyang sinusuportahan ang kooperatiba upang maisaayos ang transportasyon sa lungsod at maseguro rin ang kaligtasan ng bawat mananakay.
Kayang maglulan ang bawat isang yunit ng 16 hanggang 25 na mga nakaupong pasahero.
Maaring magbayad ng pamasahe sa pamamagitan ng cash o digital fare collection system.