ISANG bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang beteranong mamamahayag na nakabase sa lalawigan ng Pampanga habang nasa loob ng kaniyang tindahan sa Calbayog, Western Samar Miyerkules ng gabi (Disyembre 8).
Kinilala ang biktimang peryodista na si Jesus “Jess” Malabanan, 58, may-asawa, kasalukuyang provincial correspondent ng Manila Standard at residente sa lalawigan ng Pampanga.
Si Malabanan ay aktibong miyembro ng Pampanga Press Club at pansamantalang nagba-bakasyon sa Samar ng maganap ang pamamaslang bandang alas-6:00 ng gabi.
Ayon sa report ni former Pampanga Press Club president Tonette Orejas ng Philippine Daily Inquirer at matagal na nakasama at kaibigan ni Malabanan sa kaniyang interbyu sa asawa ng biktima na si Mila, nasa loob umano ng tinadahan ang kaniyang asawa habang sila ay nanonood naman ng telebisyon nang maganap ang krimen.
“Nanonood kami ng TV nang makarinig kami ng putok. Hindi ko nakita ang bumaril dahil madilim,” ayon kay Mila.
Nakita na lamang ang biktima na bumulagta sa sahig at mayroong tama ng bala sa ulo na siya nitong agarang ikinamatay.
Si Malabanan ay isang peryodista mula pa noong dekada 90’s sa lalawigan ng Pampanga at batikang manunulat buhat sa ibat-ibang mga pahayagang nasyunal noong ito ay nabubuhay.
Mariing kinondena ng Pampanga Press Club ang naturang pamamaslang kasabay ng paghimok sa Philippine National Police ng agarang aksyon upang mapanagot ang suspek at utak sa naturang krimen.