Kapakanan ng mga bata una sa lalawigan ng Bulacan

ZUMBALILIT TIME. Pinasigla ng mga batang mag-aaral mula sa Northville IV Daycare Center ang buong bulwagan ng The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan matapos magpakitang gilas ng kanilang mga sayaw sa pamamagitan ng Zumba dance number sa ginanap na Provincial Children’s Congress noong Nobyembre 16. INSET: Ipinahatid ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kaniyang State of the Children’s Address 2024 kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month na may temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines.”

LUNGSOD NG MALOLOS – “Mga kabataang Bulakenyo, patuloy lang kayong mangarap, mag-aral, makipagkaibigan, at magsikap sa buhay dahil sa lalawigan ng Bulacan bawat bata ay ligtas at may maayos na landas tungo sa katuparan ng inyong mga pangarap.”

Ito ang mga salitang binitawan ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga kabataang Bulakenyo sa kaniyang State of the Children’s Address (SOCA) sa Provincial Children’s Congress na ginanap noong Nobyembre 16 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.

Binigyang diin ni Fernando ang pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagsugpo sa malnutrisyon at tiniyak na mayroong sapat na pondo para sa mga programang may kinalaman sa nutrisyon.

“Nabawasan po ang kaso ng malnutrisyon dahil sa maayos na implementasyon ng ating Bulacan Nutrition Action Plan, pero kinakailangan po nating mas ayusin pa ito at mai-align sa Philippine Plan of Action for Nutrition o PPAN 2023-2028. Bukod dito, sinisiguro po nating may sapat na pondo ang ating mga nutrition programs at nabibigyang pagkilala ang mga outstanding nutrition program implementers sa mga bayan at lungsod sa Bulacan,” aniya.

Kinilala rin ng gobernador ang pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na si Rowena J. Tiongson matapos parangalan ito bilang Outstanding Provincial Nutrition Action Officer sa katatapos lamang na 2024 Gitnang Luzon Gawad Parangal sa Nutrisyon.

Inanunsiyo rin niya ang dalawang sunod na pagkilala na ipinagkaloob sa lalawigan sa Gawad Edukampyon for Local Governance Award (Province category) matapos manguna sa buong rehiyon sa Early Childhood Care and Development Accreditation. Sa kasalukuyan, mayroong 995 na public learning center ang Bulacan at 48,644 na mga batang naka-enroll sa mga child development center.

Ipinunto rin ni Fernando na 477 mula sa 569 na barangay sa probinsiya ay mayroon nang mga child representative bilang bahagi ng Local Council for the Protection of Children (LCPC).

Sa temang “Paglaganap ay Pigilin, Karahasan ay Sugpuin: Pangangalaga sa Bata, Pagbuo ng Ligtas na Pilipinas,” binubuo ang selebrasyon ng National Children’s Month sa Bulacan ng iba’t ibang aktibidad, kabilang na ang mga kumpetisyon para sa mga bata gaya ng singing, copy and color, poem reciting, at Zumbalilit na isinagawa rin kasabay ng SOCA.

Nakatanggap ang mga nagwagi sa indibidwal na patimpalak ng P10,000 para sa unang pwesto, P8,000 para sa ikalawang pwesto, P5,000 para sa ikatlong pwesto, at consolation prize na P2,000; ang mga nanalo naman sa nag-iisang kumpetisyong pang-grupo na Zumbalilit ay tumanggap ng P20,000 para sa unang pwesto, P15,000 para sa ikalawang pwesto, P10,000 para sa ikatlong pwesto, at P5,000 bilang consolation.

Samantala, nakapagtala naman ang lalawigan ng bahagyang pagtaas sa mga kaso ng violence against children, kung saan karamihan ng mga biktima ay batang babae na may edad 12 hanggang 17. Sa kabilang banda, nakakita naman ng pagbaba ang Tanglaw Pag-asa Youth Rehabilitation Center sa mga children in conflict with the law kung saan mula sa 98 noong 2022 ay naging 64 noong 2023.

“Sa pangkalahatan ay bumaba po ang mga kaso ng rape, theft at murder sa mga kabataan. Patunay na sa ating pagkakaisa ay natutulungan natin ang mga kabataan na mamuhay nang maayos at marangal,” dagdag ni Fernando.

Kasama rin sa programa sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Department of the Interior and Local Government Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, Tagapangulo ng SP Committee on Women and Family na si Bokal Erlene Luz V. Dela Cruz, at Cassandra P. Eparwa, pangulo ng PCPC Child Representative.