NORZAGARAY, Bulacan – Makikinabang nang husto ang Bulacan sa suplay ng tubig sa Angat Dam sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Iyan ang ibinalita Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Leonor Cleofas sa kanyang pagbisita sa Angat Dam Watershed sa Norzagaray, upang kamustahin ang mga katutubong Dumagat.
Ipinaliwanag niya na ang itatayong Kaliwa Dam ay kayang magsuplay ng 600 milyong litro ng tubig kada araw. Nangangahulugan na nasa 600 milyong litro ng tubig kada araw o higit pa, ang potensiyal na hindi na hihigupin sa Angat Dam para sa Metro Manila.
Kaya’t ito na ang maidadagdag sa alokasyon ng tubig ng Angat Dam para sa Bulacan.
Sa kasalukuyan, 97% ng suplay ng maiinom na tubig para sa Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam. Habang nakikihati pa ang Bulacan para sa sarili nitong suplay ng maiinom na tubig sa pamamagitan ng Bulacan Bulk Water Supply Project.
Iba pa rito ang alokasyon upang mapadaloy ang tubig mula sa Angat Dam patungo sa Bustos Dam para maipatubig ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga sakahan.
Taong 2006 nang makakuha ng Water Rights ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan mula sa National Water Regulatory Board (NWRB), upang makagamit ng tubig sa nasabing dam.
Sa mahabang panahon na hindi napapakinabangan ng Bulacan ang tubig sa Angat Dam, umaasa ang mga Bulakenyo sa nahihigop na tubig ng mga water districts mula sa ilalim ng lupa na ngayo’y pinasok na ng tubig alat o salt water intrusion.
Nagkaroon lamang ng katuparan ang Water Rights nang magsimula ang operasyon ng Bulacan Bulk Water Supply Project noong 2019. Isa itong imprastraktura na humihigop ng malinis na maiinom na tubig mula sa Angat Dam.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Cleofas na tuloy na ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam matapos pumayag ang mga katutubo na nagkakanlong dito. Hinihintay na lamang ang Certificate of Precondition mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
May laking 296 na ektarya ang lupaing ninuno o ancestral domain ang pagtatayuan ng nasabing dam na sakop ng mga bayan ng General Nakar, Infanta, Teresa at Morong sa Rizal.
Magkakaroon ito ng kapasidad o kakayahang makapag-imbak ng nasa 57 milyong cubic meters ng tubig. Katuwang ng MWSS sa pagtatayo ng Kaliwa Dam ang China Energy Engineering Corporation na target matapos sa susunod na limang taon.
Popondohan ito ng P12 bilyong Official Development Assistance (ODA) mula sa People’s Republic of China na nilagdaan sa state visit ni Chinese President Xi Jinping sa Pilipinas noong 2018.