Kalihim ng DILG, pinangunahan ang pagdiriwang ng ika-173 kaarawan ni Plaridel

Pinangunahan ni Interior and Local Government Benjamin Abalos Jr. ang pagdiriwang ng Ika-173 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar sa kanyang pambansang dambana sa Bulakan, Bulacan. (Bulacan PPAO)

BULAKAN, Bulacan — Pinangunahan ni Interior and Local Government Benjamin Abalos Jr. ang pagdiriwang ng Ika-173 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar sa kanyang pambansang dambana sa Bulakan, Bulacan.

 

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Abalos na kailangang tularan ng mga kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga lingkod bayan ang mga katangian ng karunungan at katapangan ni Del Pilar na kilala sa kanyang panulat na “Plaridel”.

 

Ipinaliwanag ng kalihim na bukod sa pagiging isang propagandista at mamamahayag, ang aspeto ng pagiging isang repormista ni Del Pilar ang dapat na mas malalim na matalakay upang maunawaan ng mga lingkod bayan.

 

Hinalimbawa niya ang mariing pagtuligsa ni Del Pilar sa mga Prayle dahil sa labis-labis na paniningil ng buwis sa mga kanayunan, kung saan kapag may hindi nakapagbayad ay inaabonohan ng cabeza de barangay na katumbas ng pagiging kapitan sa kasalukuyan.

 

Kung matutularan aniya ng mga lingkod bayan ang nasabing mga katangian, ito ang magiging paraan para mapagbikis sa pagkakaisa ang mga Pilipino na makakatulong upang lumitaw ang tunay na lakas ng Pilipinas.

 

Kaugnay nito, inayunan ni Gobernador Daniel Fernando ang tinuran ni Abalos na nagsabing napapanahon ito ngayong maraming nag-aalok na maglingkod sa mga pamahalaang barangay.

 

Ang mga pamana aniya ni Del Pilar bilang isang repormista ay dapat gawing gabay sa pamamahala. 

 

Gayundin kung papaano ang dapat na maging kaisipan at paninindigan ng mga nasa pamahalaan na may direktang epekto sa karaniwang mamamayan.