LUNGSOD NG MALOLOS – Kaisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan si Kalihim Maria Susana V. Ople ng Department of Migrant Workers sa paggunita sa Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng kanyang yumaong ama na si Gat Blas F. Ople sa Pebrero 3, 2023, na idineklarang isang special non-working day sa Bulacan.
May temang, “Gat Blas F. Ople: Dakilang Bulakenyo, Bayani ng Manggagawang Pilipino”, pangungunahan ni Ople, gayundin nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama ang ilang opisyal ng Bulacan, ang taunang pag-alaala at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Ka Blas sa harap ng Gusaling Gat Blas F. Ople: Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay (Provincial Livelihood Center), Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound sa lungsod na ito sa ganap na ika-8:00 ng umaga.
Kilala bilang “Father of Philippine Labor Code” at “Father of Overseas Filipino Workers”, isang job fair ang pangungunahan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, ganap na ika-9:00 ng umaga bilang bahagi ng pagbibigay-pugay kay Ka Blas. Ipamamahagi rin ang certificates of completion ng DOLE Government Internship Program sa mga benepisyaryo.
Kaalinsabay din ng nasabing job fair ang pagsasagawa ng medical mission sa pangunguna ng Department of Migrant Workers at sa pakikipagtulungan ng Damayan sa Barangay.
Sinabi ni Fernando na isa sa mga pinakatanyag na estadista sa bansa si Ka Blas at ang kanyang kahusayan sa pamumuno at serbisyo publiko ay nakaukit magpakailanman sa puso at isip, hindi lamang ng mga Bulakenyo, kundi ng lahat ng Pilipino.
“Patuloy na pinaunlad ng ating bayaning si Gat Blas Ople ang buhay ng mga Pilipino. Hinihikayat ko ang mga kabataan na palagiang alalahanin ang kanyang kabayanihan at gawing inspirasyon ang kanyang buhay at kontribusyon sa pagbibigay ng serbisyo sa bansa”, anang gobernador.
Inaasahan din ang pagdalo sa programa ng mga kapamilya ni Ka Blas, PESO managers, konseho ng OFW, BTEC mula sa mga bayan ng Plaridel, Pulilan at Guiguinto at Lungsod ng Malolos, at ilang historical groups.
Si Ka Blas ay isang mamamahayag at ikinukunsiderang isa sa mga pinakabatang kolumnista. Siya rin ang ‘Ama’ ng National Manpower and Youth Council (ngayon ay TESDA) na nagsasagawa ng mga programa sa pagsasanay para sa mga dalubhasang manggagawa.
Humawak din siya ng matataas na posisyon sa gobyerno ng Pilipinas kabilang ang Pangulo ng Senado mula 1999 hanggang 2000 at Kalihim ng Foreign Affairs mula 2002 hanggang sa kanyang pagpanaw.
Ipinakita din ni Ople ang kanyang katapangan sa pagsabak sa Second World War bilang batang opisyal ng Del Pilar Regiment, Bulacan Military Area (BMA) at lumaban sa ilalim ng BMA’s Buenavista Regiment hanggang sa pagkakahuli ni General Yamashita noong 1945.