LUNGSOD NG MALOLOS – “Kailangan bumalik tayo sa nakaraan para malaman natin kung sino tayo ngayon. Hindi natin matutuklasan kung sino tayo kung hindi natin alam kung ano yung pinanggalingan natin. Kaya itong sining at kulturang inyong ipinamamalas ngayon ay kaluluwa nating lahat. Iyan ang sumasalamin sa ating pagka-Pilipino at pagka-Bulakenyo nating lahat.”
Ito ang mensahe ni Bise Gobernador Alexis C. Castro sa mga kabataang Bulakenyo na lumahok sa KBS Rewaynd na pinangunahan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office bilang bahagi ng buong linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2022 na isinagawa sa Tanghalan ng Sining at Kultura, Mini Forest, Antonio S. Bautista, Bulacan Capitol Compound nitong Setyembre 10, 2022.
May temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay”, muling binuhay ng mga kalahok ang pag-awit ng Kundiman at pag-indak sa katutubong sayaw at ipinakita ang husay at talento na taglay ng mga Bulakenyo.
Sa 16 na naglaban, itinanghal bilang kampeon si Jason B. Dimasayao mula sa Aguinaldo J. Santos National High School sa kategorya ng pag-awit matapos niyang kantahin ang awiting Kundiman na ‘Ang Tangi Kong Pag-ibig” at nag-uwi ng premyong nagkakahalaga ng P10,000 na may kasamang tropeo at plake ng pagkilala.
Panalo rin ang Indak Guiguinteño folkloric dance group mula sa Sta. Cruz, Guiguinto laban sa anim pang dance group para sa folk dance category at nag-uwi ng premyong P20,000, plake ng pagkilala at tropeo.
Sa isang panayam, hinikayat ni Ruzzel Valenzuela, adviser at choreographer ng kampeon na grupo na Indak Guiguinteño, ang mga kabataang Bulakenyo na linangin pa ang kanilang hilig sa katutubong sayaw.
“Sa lahat ng mga kabataan na patuloy na nililinang ang kanilang talento sa larangan ng katutubong pagsayaw, huwag na huwag kayong susuko at huwag kayong mapapagod dahil hindi ito burden sa atin, ito ay nakakatulong sa buhay natin. Sa mga kabataang Bulakenyo, linangin pa natin at huwag natin kalimutan kung para saan ba ang katutubong sayaw,” ani Valenzuela.
Hinimok naman ni Dr. Eliseo S. Dela Cruz, pinuno ng PHACTO, ang mga Bulakenyo na pagyamanin pa ang sining at kultura ng Bulacan at itampok ang mga dapat ipagmalaki sa lalawigan.
“Ipakita po natin na ang lalawigan ng Bulacan ay tunay na ipinagmamalaki; na ang ating lalawigan ay tunay na mayaman hindi lamang po sa mga bayani, kung hindi bagkus ay sa mga anak ng sining; kung bakit tayo po ngayon ay may nililingon, tayo po ay hitik sa mabubungang mga pamana ng ating mga bayani. Kaya po para sa pagkakataong ito, huwag po natin silang biguin at ipagmalaki po natin na ang Lalawigan ng Bulacan ay tunay na babalik-balikan; na ang Lalawigan ng Bulacan ay tunay na pipiliin. Pagyamanin natin ang kultura; ang kultura ng katutubong sayaw, ang kultura ng kundiman,” ani Dela Cruz.