Kabayanihan ng 5 gerilya ng World War 2, ginunita sa bayan ng Guiguinto

GUIGUINTO WW2 HEROES.  Pinangunahan ni Guiguinto, Bulacan Mayor Agatha Paula Cruz at ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ang wreath laying activity sa monumento ng five fallen heroes na pinahirapan at pinatay ng Japanese forces noong panahon ng Ikalawang Pandaigdigang Giyera na ginanap sa harap ng municipal hall ng Guiguinto nitong Pebrero 20, 2024. Kuha ni ERICK SILVERIO
MULING ginunita ng Pamahalaang Lokal ng Guiguinto, Bulacan ang Ika-80 Taong death anniversary ng limang bayaning Guiguinteño na pinatay ng mga sundalong Hapon noong World War 2 sa isang simpleng seremonya na ginanap sa harap ng munisipyo nitong Martes, Pebrero 20, 2024.
 
Ang isinagawang aktibidad na may temang  “Kabayanihan ng Limang Anak ng Guiguinto”,  ay pinangunahan ni Mayor Agatha Paula Cruz kasama si Vice Mayor Banjo Estrella kung saan ay nag-alay ng bulaklak sa monumento ng tinaguriang fallen guerrilla heroes.
 
Ang mga pinatay ng Japanese forces sa isang engkuwentro sa Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan noong Pebrero 20, 1944 ay sina Pvt. Rosendo Principe, Cpl. Emiliano Gutierez, Cpl. Pacio Pingol, Sgt. Mariano Ventura and Pvt. Mariano Centeno, pawang mga kasapi ng  Anderson’s Command 2nd Battalion, Combat Forces “A” Company ng Bulacan Military Area (BMA) na nakabase sa Bustos, Bulacan.
 
Ayon kay Mayor Cruz said, noong umaga ng Pebrero 20, 1944 ay nilusob ng mga sundalong Hapon mula sa Angat Garrison ang bayan ng Guiguinto kung saan ang mga sugatang fallen heroes ay nadakip at pinahirapan dahil ayaw sabihin kung saan nagtatago ang iba pang kasamahang guerrilla.
 
Dahil sa patuloy na pagtanggi sa kinaroroonan ng mga Pilipinong gurrilla ay ibinitin ang mga ito sa puno ng mangga at pinagsasaksak ng bayoneta hanggang sa mamatay.
 
 
Ayon kay Cruz, panahon ni Mayor Ambrosio Cruz Jr. na ngayon ay Kongresista ng Ika-Limang Distrito nang ipatayo nito ang monumento ng limang bayani sa harap ng munisipyo upang magsilbing  alaala sa kanilang kabayanihan at pagmamahal sa inang bayan.
 
Nabatid na sa harap ng munisipyo rin inilipat at inilibing ang mga labi ng mga ito sa utos ni noo’y punong bayan na si Mayor David San Pedro. 
 
“It is important for me to remember these Guiguinteño heroes, at gagawin natin ito mas magarbo next year for us to remember their heroism, their patriotism to our town, to our fellow Guiguinteños,” wika ng alkalde.
 
“Ang Guiguinto ay duyan ng magigiting, duyan ng magagaling, nasa dugo natin ang isang bayani. Let’s continue do heroism,” dagdag pa ni Cruz.
 
Ayon nman kay Billy Joe Marciano, History Researcher at Coordinator ng History and Heritage Division ng Bulacan Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO), ang mga nabanggit na limang bayani ay nagmula sa pagiging mga sibilyan na tinawag ng tungkulin upang ipagtanggol ang Inang Bayan sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
 
“Sila ay nakipaglaban sa mga sundalong Hapones nang dumating ang mga ito sa Guiguinto buhat sa Angat Garrison noong ikalima ng madaling araw ng 20 Pebrero 1944. Dahil sa matinding sugat na kanilang tinamo ay nadakip, pinahirapan, binitin nang patiwarik sa puno ng mangga, at pinagsasasaksak ng bayoneta hanggang sa bawian ng buhay. Pinilit na pinaaamin ng mga sundalong Hapones ang limang ito, ngunit sa kabila ng pagpapahirap, ikinubli ng limang ito ang pagkakakilanlan ng kanilang mga kababayang gerilya,” ani Marciano.
 
Nais ni Marciano na ang diwa at aral ng limang anak ng Guiguinto na nagbuwis ng buhay noong 1944, ay maging mitsa ng pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino ngayon lalo sa mga kabataan, katapatan sa kanilang kapwa, at gamitin itong inspirasyon sa pagtatanggol sa natatamasang kalayaan, tungo sa pagsulong bilang isang maunlad at nagkakaisang bayan sa kasalukuyang panahon.