Joni Villanueva General Hospital pinasinayaan, bukas na sa publiko

Pinangunahan ni Department of Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire kasama sina Senador Joel Villanueva, Senador Bong Go, Gob. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, Mayor Jon-Jon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, ang inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital na matatagpuan sa Igulot, Bocaue, Bulacan nitong Lunes, Disyembre 12, 2022.  
PORMAL nang pinasinayahan ang kauna-unahang pampublikong ospital na matatagpuan sa Barangay Igulot,sa bayan ng Bocaue, Bulacan malapit sa Ciudad De Victoria NLEX entry-exit toll sa ginanap na inagurasyon na dinaluhan ng matataas na opisyal at kawani ng Department Of Health (DOH) nitong Lunes.
 
Pinangunahan nina Senador Bong Go, Senador Joel Villanueva, OIC Health Secretary Maria Rosario Vergeire kasama ang mga Bulacan officials na sina Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, 5th District Cong. Ambrosio Cruz Jr., CIBAC Cong. Bro. Eddie Villanueva, Mayor Jon-Jon Villanueva, Vice Mayor Sherwin N. Tugna ang nasabing inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital (JVGH).
 
Ayon kay Sec. Vergeire, ngayong Disyembre 13, 2022 ay sisimulan nang tumanggap ng pasyente ang JV General Hospital ngunit pansamantala ito ay magsisilbi munang infirmary hospital.
 
“It will help decongest other hospitals nearby especially the Bulacan Medical Center in Malolos and other district hospitals in this province and even in nearby provinces. As an infirmary hospital, it will be able to respond to the health needs of Bulakenyos,” ani Vergeire.
 
Ang Joni Villanueva General Hospital ay ipinangalan sa yumaong Mayor Joni Villanueva ng Bocaue na binawian ng buhay noong May 28, 2020 sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic kung saan bagamat mayroon nang sakit ay personal pa rin nag-aasikaso ng mga ayuda para sa kaniyang mga kababayan.
 
Ang isang-ektaryang tinatayuang lupa nito ay donasyon ng pamilya Villanueva na two-storey facility na mayroong 52-bed capacity na aabot sa P300 million na pinondohan buhat sa DOH Budget Allocation sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP). 
 
“Ang araw na ito ay tunay na mapagpala at makasysayan dahil ito ang katuparan ng matagal nang pangarap ng aking asawa para sa bawat Bocaueno,” emosyonal na pahayag ni Vice Mayor Tugna, asawa ni Mayor Joni.
 
Nagpasalamat naman sina Senate Majority Leader Sen. Villanueva at Mayor Villanueva, kapwa kapatid ng yumaong alkalde sa lahat ng tumulong at sumuporta upang ganap na maisakatuparan ang matagal nang minimithi ng bayan ng Bocaue na magkaroon ng pampublikong ospital.
 
Samantala, tiniyak naman ni Senate Committee Chairperson Sen. Bong Go na ang nasabing Bulacan-first DOH manage hospital ay magkakaroon ng Malasakit Center alinsunod sa Republic Act 11463 dahil maganda ang lokasyon nito.
 
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Gob. Fernando, karapat-dapat lang na ipangalan kay Mayor Joni ang nasabing  pasilidad dahil naitayo ito sa dedikasyon at pagpupursigi ng yumaong alkalde sa tulong ng buong pamilya ng Villanueva.
 
Nabatid sa gobernador na bukod sa kasalukuyang 7 district hospital ay nakatakda na rin buksan ang Angat at Obando District Hospital.


Nabatid na una itong nais ipangalan ng  magkakapatid na Villanueva sa kanilang lolo bilang Joaquin Villanueva Medical Hospital bilang extension ng Jose B. Lingad Memorial Hospital sa San Fernando, Pampanga ngunit nakamatayan ng alkalde.
 
Dahil dito ay ginawa itong Joni Villanueva Memorial Hospital na pinasinayahan noong May 28, 2021 isang taon nakalipas nang yumao ang alkalde at ito ay pansamantalang ginawang JBLMGH Covid-19 Field Extension Facility para sa mga Covid patient sa Bulacan.
 
Sa tulong ng DOH at ng mga senador ay naisabatas ang pagiging Joni Villanueva General Hospital ng nasabing pasilidad.