ISA ISA LANG

Kalma Lang

May panahon na naging popular ang pagmumulti-tasking, o ang paggawa ng mga gawain ng sabay-sabay. Naging simbolo ito ng pagiging masipag at mahusay, at kahit sa kasalukuyan, nakikita ko pa rin itong hinahanap bilang requirement sa mga nag-apply sa trabaho. Mababasa mo ito sa mga job advertisements: we need someone who knows multi-tasking. Kung kaya’t marami ang may paniwala na ang multi-tasking ay isang magandang praktis.

 

Gayunman, ayon sa kasalukuyang pananaliksik ng mga sikologo, ang multi-tasking ay isang mito (myth) o alamat lamang. Anila, walang taong talagang nakagagawa ng multi-tasking. Ang nangyayari daw talaga ay ang tinatawag na switch-tasking kung saan nagpapalit lamang ng ginagawa ang tao, at ang resulta ay lalo daw nababawasan ang pagiging produktibo nito.

 

Sabi pa ng mga sikologo, kapag ikaw ay nagmu-multitask, nagkakaroon sa isip ng prosesong simula/hinto/simula (start/stop/start), na lalo lamang nagpapabagal sa mga gawain. Sa ganitong proseso, ang isip ay humihinto muna bago tanggapin ang isang bagong gawain. Kung gagawin mo ng mabilis ang prosesong ito, halimbawa’y ilang beses na papalit-palit at palipat-lipat ng limang tasks sa isang oras, tiyak na mapapagod ka pati ang isip mo.

 

Pero sasabihin mo, “E hindi naman ako nagmumulti-tasking.” Pero pansinin mo ang browser mo. Ilan ang open na tabs? Sino sa atin ang hindi bukas ang smartphone habang nagtratrabaho? Isang beep dito at isang beep doon at lahat tayo ay nagugulantang sa napakaraming signal na pumapasok sa isip natin sa bawat minuto, sa bawat oras, sa bawat araw.

 

Kung ganun, paano natin to maiiwasan? Sa totoo lang, hindi naman masama ang pagkakaroon ng maraming tasks. O ang kakayahan na magkaroon ng maraming talento at kaalaman. O ang paggawa ng maraming tasks. Ang kailangan lang ay wag sabay sabay. Isa isa lang, kaibigan.

 

Isa sa sinasabing mabisang prinsipyo upang hindi alipinin ng multi-tasking ay ang tinatawag na mindfulness, o ang pagpokus ng 100% sa isang gawain lamang. Sa paliwanag ni Thich Nhat Hanh, isang modernong Zen master, kung naghuhugas ka raw ng pinggan, kailangang ang pokus mo ay ganun na lang na wala kang ibang iniisip habang naghuhugas ng pinggan kundi ang paglilinis lang ng pinggan at wala ng iba pa. Kung nanonood ka ng TV habang nag-uurong, o may iniisip kang ibang malalim, mga uri din ito ng multi-tasking.

 

Kaya’t kung estudyante ka at habang gumagawa ka ng essay para sa isang subject ay nagri-research ka naman para sa isa o dalawa pang subject, yan ay multi-tasking. Ganun din sa empleyado na gumagawa ng maraming gawain ng sabay-sabay. Upang maging higit na produktibo, mas mainam daw ayon sa mga eksperto na maglaan ng isang takdang panahon, halimbawa’y isang oras, para gawin mo ang isang task. Sa isang oras na iyon, isang gawain lamang ang gagawin mo, at hindi mo papansinin ang ibang gawain, o text, o iba pang mga istorbo. Kapag tapos ka na sa isa, saka mo lang isusunod ang isa pa.  

 

Sabi nga ng Panginoong Hesus, walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Iibigin mo ang isa, at kamumuhian mo ang isa. Ganun din cguro sa gawain. Bakit di mo subukan. Simulan mo bukas.

 

Isa isa lang, kaibigan. Sa mahinahon at pokus na paggawa, tiyak na mas magiging produktibo ang iyong trabaho.