BULAKAN, Bulacan (PIA)- Hinamon ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na ipagtanggol ang mga ipinaglaban at sakripisyo ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar, na kilala sa panulat na ‘Plaridel’, sa pagdiriwang ng kanyang Ika-174 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan.
Sa ginanap na programang pang-alaala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Pambansang Dambana kung saan ipinanganak si Del Pilar sa Kupang sa bayan ng Bulakan, binigyang diin ng gobernador na may pagkakahawig ang panahon ng bayani sa kasalukuyang panahon.
Nabuhay, namulat at namatay si Del Pilar na sakop ng Espanya ang Pilipinas. Kaya naman nabuo sa kanyang puso at diwa na ipaglaban at panindigan ang karapatan ng mga Pilipino laban sa mga Kastila nang pangunahan niya ang iba’t ibang kilusang propaganda.
Sa pagsusulong ng nasabing kilusan, itinalaga ni Del Pilar ang kanyang sarili sa pagsusulat ng mga artikulo sa Dyaryong Tagalog at La Solidaridad upang ihayag sa mga mamamayang Pilipino ang mga maling gawa ng mga prayle sa simbahan at ang mga katiwalian sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas.
Bukod dito, nagsilbing paraan din ni Del Pilar ang pagsusulat upang ibahagi naman ang kanyang mga bisyon para sa isang malayang Pilipinas.
Binigyang diin ni Gobernador Fernando na nararanasan ngayon ng mga Pilipino na muling may ibang lahi na nananakop partikular sa West Philippine Sea. Kaya’t sinabi niyang mapapanatiling malaya ang Pilipinas na ipinaglaban ni Del Pilar kung maipagtatanggol ito ng nagkakaisang mga mamamayan.
Kabilang si Del Pilar sa mga nagkaroon ng pangunahing papel sa paglaban upang matapos ang mahigit 300 taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ayon sa historyador na si Propesor Crisanto Cortez, akmang-akma ang ilan sa mga naisulat na artikulo ni Del Pilar sa Dyaryong Tagalog sa kasalukuyang ipinaglalaban ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isyu ng Dyaryong Tagalog noong Nobyembre 1882, isinulat ni Plaridel na matitiyak ang pangangalaga sa mga isla ng Pilipinas kung magtatalaga ang Pamahalaang Kolonyal ng Espanya ng hukbong dagat para sa Pilipinas. Bagama’t itinuturing ng mga Kastila na isang mortal na kaaway nila si Del Pilar, kinatigan siya sa pagkakataong ito.
Isang patotoo rito ang inilabas na Royal Decree ng Espanya kung saan idinedeklara ang sa Subic Bay sa Zambales bilang isang base ng hukbong dagat o naval base noong 1884. Kalaunan ay ipinatayo pa ang Arsenal en Olongapo noong Marso 8, 1885 na naging panimula upang maging pantalan ang Subic Bay.
Sa isyu naman ng La Solidaridad noong Nobyembre 15, 1895, binigyang diin ni Del Pilar ang kahalagahan na dadating ang panahon na dapat magkaroon ng ganap na Hukbong Dagat ang isang nagsasariling Pilipinas.
Samantala, kinatawan naman ni Dating Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Greco Belgica sa programang pang-alaala ang naimbitahang panauhing pandangal na si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go. Sentro ng kanyang mensahe ang pagninilay sa buhay ni Del Pilar.
Isa aniyang malinaw na paalala ang naturang bayani na ang pagmamahal sa bayan ay dapat na lagpas sa salita. Kailangang nasusukat sa mga gawa at handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami.