Inspeksyon sa water sources sa Angeles inutos dahil sa kumakalat na stomach flu

ANGELES CITY – INIUTOS ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. Ang pagsasagawa ng city-wide inspection sa lahat ng water  sources sa lungsod makaraang makapagtala ng diarrhea at stomach flu na tumama sa 27 pasyente na na-confine sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center (RLMMC).
 
Nabatid na nagkaroon ng ulat sa pagtaas ng mga kaso ng gastroenteritis o stomach flu sa lungsod na ayon sa RLMMC ay 27 pasyente ang tinamaan ng diarrhea at kasalukuyang ginagamot mula pa noong Pebrero 3 hanggang kasalukuyan.
 
“Mataas, pero walang clustering. Raw data palang, will get more info on the cases,” ani RLMMC Officer-in-Charge Dr. Froilan Canlas.
 
Base sa  Memorandum No. 370. Series of 2024, ipinag-utos ni Mayor Lazatin sa  City Health Office (CHO), General Services Office (GSO), CHO-Sanitation Division, at sa Business Permit and Licensing Division ang pgsasagawa ng inspection of water sources simula Lunes, February 5, 2024.
 
Kabilang sa mga susuriin at iinspeksyunin ay ang Microbiological and chemical test of water from all water suppliers and water refilling stations within Angeles City, dagdag pa sa isasagawang regular tests ay ang inspection of water sa Angeles City Hall Compound, lalo na sa  Cooperative Canteen; Inspection of water sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center, kasama ang hospital canteen; at ang inspection of water sa lahat ng  public and private schools sa Angeles City, kasama ang mga canteen at cafeteria.
 
Samantala, sinabi ni Dr. Verona Guevarra, ang  City Health Office ay nakipag-ugnayan na sa mga local private hospitals para sa mga datos kaugnay ng mga kasong stomach flu.
 
Nauna rito ay nanawagan si Mayor Lazatin sa publiko na maging  “vigilant” at siguruhing malinis ang kanilang water and food sources.
 
Iniatas na rin ni Mayor Lazatin kay Dr. Guevarra at Dr. Canlas na humingi ng tulong sa Department of Health (DOH) upang mabatid kung mayroon nang outbreak ng nasabing virus.