Inobasyon ng mga benepisyaryo ng CARP sa CL itinampok sa trade fair

LUNGSOD NG ANGELES (PIA) — Nangibabaw ang tagumpay sa inobasyon ng mga magsasakang benepisyaryo ng reporma sa lupa sa Gitnang Luzon sa ginanap na 7th CARP Regional Trade Fair sa lungsod ng Angeles.

Tampok ang banana chips na gawa ng isang benepisyaryo ng reporma sa lupa sa bayan ng Pilar, Bataan sa ginanap na 7th CARP Regional Trade Fair sa Marquee Mall sa lungsod ng Angeles. Isa ito sa mga inobasyong produktong agrikultural na simbulo ng tagumpay ng reporma sa lupa sa Gitnang Luzon. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Isa itong taunang trade fair na itinataguyod ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pakikipagtulungan ng Department of Agrarian Reform at Philippine Coconut Authority.

Sinabi ni Richard Simangan, DTI OIC-Assistant Regional Director, na layunin ng programang ito na itampok at paramihin ang mga magsasakang nagtatagumpay sa paggawa ng inobasyon sa kani-kanilang ani mula nang maipailalim sa reporma sa lupa na ngayo’y tinatawag na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Isa rito si Lany Cayug, proprietor ng Beany Fits mula Llanera, Nueva Ecija, na binigyang inobasyon ang pagsasaka mula sa regular na naani na palay sa pagiging rice coffee.

Minana niya ang nasa dalawang ektaryang lupang sakahan mula sa kanyang ama na siyang orihinal na benepisyaryo ng Presidential Decree No. 27.

Sa panahon na iyon, nagtrabaho siya bilang Overseas Filipino Worker sa isang in-flight catering services sa Dubai, United Arab Emirates.

Nagbunsod ito upang maisipan ni Cayug na gumawa ng prinosesong produkto mula sa bigas.

Pangunahin sa kanyang mga produkto ang rice coffee, banana cake, carrot bread at mga pastries.

Kitang-kita rin sa mataas na kalidad ng pakete o packaging ang naging pag-agapay ng DTI sa Beany Fits kaya’t pumasa na ito sa One Town, One Product Level Up program ng ahensiya.

Iba pa rito ang naitulong ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization sa larangan ng kailangang makinarya at karagdagang kagamitan mula sa Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment.

Para kay Jocelyn Ramones, direktor na Presidential Agrarian Reform Council, patunay ito na patuloy na nagtatagumpay ang reporma sa lupa na pinalawak ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. at ngayo’y target kumpletuhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kinakailangan aniya na ang direksiyon ng pagkakatamo ng sariling lupang sakahan ay tumungo sa inobasyon ng mga produktong naaani na isang konsepto ng negosyo sa sakahan o agribusiness. Magbibigay ito ng katiyakan upang mapataas ang kita ng mga magsasaka.

Makikita naman sa pakete ng Susan’s Delicacies ang may-ari nitong si Susana Yalong ng Pilar, Bataan.

Ang kanyang isang ektaryang Niyugan at Sagingan ay naipailalim sa CARP noong taong 2010 sa bisa ng Republic Act 9700 o Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform na ipinatupad ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang dating umaasa lamang sa ani ng niyog at saging na ibinabagsak sa mga pamilihan ay nagtitinda na ngayon ng mga inobasyong produkto gaya ng coco jam, bukayo at banana chips.

Bukod sa dalawa niyang pangunahing produkto, nagtanim pa siya ng iba pang uri ng high value commercial crops tulad ng papaya na ginawa niyang atcharang papaya, kamote na naging sweet potatoes at kamoteng kahoy na prinoseso bilang cassava chips.

Sa Bulacan, isang grupo ng mga magsasaka ang nagsusulong na gawing alternatibo pagkain at hilaw na materyales sa mga handicraft ang karne ng kuneho.

Ito ang Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative na nakabase sa 20 ektaryang lupang sakahan sa lungsod ng Baliwag.

Ayon kay Joann Diaz Veneracion, proprietor nitong pagkakarne ng kuneho, taong 2015 nang nagkaloob ng P3 milyong grant ang Department of Agriculture para sa pagpapatayo ng multiplier farm o pagpaparami ng kuneho.

Sinabayan ito ng P3 milyong grant din mula sa Department of Science and Technology para sa pagpapatayo ng Rabbit Meat Processing Plant habang tumulong naman ang DTI para sa pagsasaayos ng pakete o packaging na papasa sa pambansa at pandaigdigang merkado.