FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija – Pinangunahan ng 3rd Mechanized Infantry Battalion (3rd Mech) at 2nd Company ng 7th Civil-Military Operation, 7th Infantry Division (7ID) katuwang ang Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ng Nationa Task Force to End Local Communist Armed Conflict Region-3 at Hands-Off Our Children Movement Incorporated (HOOMCI) ang ginanap na Information Awareness Drive sa Tarlac State University (TSU) sa Romulo Boulevard, Barangay San Vicente, Tarlac City noong ika-16 ng Marso 2023.
Layunin ng nasabing aktibidad na magbigay gabay at kaalaman sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tamang impormasyon at babala patungkol sa mapanlinlang na pagrerekrut ng mga terorista sa hanay ng mga guro, kabataan at mga mag-aaral.
Sa nasabing kaganapan, isinalaysay ni Louise Espina ng HOOCMI, ang masamang maibubunga ng terorismo sa kanya bilang isang magulang at sa kanyang anak, “dahil sa organisayong kanyang sinalihan ay pitong taon siyang nawala, ang hirap mawalan ng anak, hindi ko na nakita kung paano sya nagdalaga at kung anong itsura nya ngayon”.
Samantala, binigyang diin ni Lt. Col. Jeszer Bautista ang pinuno ng 3rd Mech, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si 1st Lt. Jefferson Tungpalan, ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro at ng akademikong institusyon sa paghuhubog ng mga responsableng mag-aaral.
Nagpasalamat naman si Maj. Gen. Andrew Costelo, Pinuno ng 7ID sa mga guro na lumahok sa nasabing aktibidad, “Katuwang ninyo ang kasundaluhan upang protektahan ang mga mag-aaral laban sa mga mapanlinlang na nagnanais na himukin sila na umanib sa mga armadong grupo. Ang mga kabataang ito ay may mahalagang papel sa ating komunidad, sapagkat sila ang magtataguyod sa ating lipunan balang araw. Kaya naman atin silang turuan ng tama at hubugin bilang mga bagong lider at responsableng mamamayan” saad pa niya.