Iligal na pagbibiyahe ng troso, huli sa bayan ng Bustos

BUSTED OPERATION. Ang Elf truck na naglalaman ng 20 troso na hinati-hati sa maliliit na bahagi upang mailulan sa trak na nasakote ng Philippine National Police Monitoring Team (dulong kanan) sa pangunguna ni PCPT Michael Baguio sa Brgy. Bonga Menor, Bustos, Bulacan noong Enero 5, 2024. Nasa kustodiya pa rin ng Pamahalaang Barangay ng Bonga Menor ang trak.

LUNGSOD NG MALOLOS – Dalawampung iligal na troso ang nahuli sa Brgy. Bonga Menor, Bustos, Bulacan ng monitoring team ng Philippine National Police noong Enero 5, 2024, ayon sa ulat ng Bulacan Environment and Natural Resources Office.

 

Ang nahuling Elf truck na iniulat na walang cutting at transport permit ay lumabag sa Seksyon 68 ng Presidential Decree No. 705 Series of 1975, mas kilala bilang Revised Forestry Code of the Philippines.

 

Bagama’t hindi nahaharap sa anumang kaso ang drayber ng trak, ang Elf truck na naglalaman ng mga kinumpiskang iligal na kahoy ay inilagak sa pamahalaang barangay ng Bonga Menor.

 

Samantala, pinaalalahanan naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na bawat indibidwal ay may gamapanin na pangalagaan ang mga likas na yaman.

 

“Lahat tayo ay may gampanin at may pananagutan sa ating likas na yaman kung kaya’t magtulungan po tayo upang mas mapaigting natin ang pagprotekta sa ating kalikasan,” ani Fernando.

 

Gayundin, hinikayat ng pinuno ng BENRO na si Abgd. Julius Victor C. Degala ang mga Bulakenyo na iulat ang anumang iligal na gawain na sumasalungat sa kampanya na pangalagaan at ipreserba ang kalikasan at likas na yaman.

 

“Sana mahalin natin ang ating kapaligiran at likas na yaman. Siguruhing natin na ang mga susunod na henerasyon ay makararanas din ng magandang lugar tulad natin kaya gawin natin ang tama, gawin natin ang dapat, at gawin natin sa lalong madaling panahon,” ani Degala.