LUNGSOD NG MALOLOS – Sa patuloy na implementasyon ng Oplan Kalikasan, 50 iligal na mga troso ng narra ang nasabat sa Lalawigan ng Bulacan matapos ang buy-bust operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3 (CIDG-RFU3) kasama ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), Bulacan Police Provincial Office (BPPO), Pandi Municipal Police Station at City Environmental and Natural Resources (CENRO) na ginanap sa Matiaga St., San Roque, Pandi, Bulacan noong Martes.
Ayon sa ulat, dalawang suspek ang inaresto kung saan 43 piraso ng 1x10x6 pulgada at pitong piraso ng 1x10x7 pulgada ng troso na narra ang kinumpiska na may tinatayang market value na humigit kumulang P45,000 kasama ang isang Mitsubishi FB na isinuko sa CENRO.
Kasunod ng matagumpay na implementasyon ng pansamantalang pagsuspindi sa pagmimina, nakiusap si Gob. Daniel R. Fernando na itigil na ang pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad sa lalawigan at siniguro na ang mga gumagawa ng iligal ay haharap sa naaayong kaparusahan.
“Ang inyong lingkod po ay nananawagan sa inyo, itigil niyo na ang mga iligal na gawaing ganito; bukod sa kayo ay hindi nagiging patas sa kapwa nating naghahanapbuhay, kayo rin ang nagiging dahilan ng tuluyang pagkasira ng ating likas na yaman. Ipinapaalala ko lamang po, lahat ng mga masasamang gawain ay may karampatang kaparusahan at sinisiguro ko na kayo ay mananagot sa batas,” anang gobernador.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa PD 705 o ang illegal possession of timber – narra at inihahanda na para sa pagsasampa sa Bulacan Provincial Prosecutors Office sa lungsod na ito.