Talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang pangalawang State of the Nation Address (SONA,) kamakailan, ay nagustuhan ng nakararami at hindi ng iilan. Marami tayong nagustuhan sa kanyang mga sinabi, naturalmente tayong mahihirap ay lagiang naghahangad ng kaginhawahan sa buhay. Nais nating makita ang pagbabago, ang kaganapan ng kanyang mga sinabing magtataboy sa atin mula sa kahirapan at kagutuman.
Dapat nating malaman na ang pangunahing problema sa ekonomiya ay ang isyu sa kakulangan ng mga mapagkukunan ngunit walang limitasyong kagustuhan. Ika nga hanggang saan ang kapritsong nais na makamtan, para mawala ang kakulangan, kagutuman at kahirapan ng tao?
Kung mas natutugunan ang mga pangangailangan, mas marami nabubuo sa paglipas ng panahon. Sa madaling salita ang kakapusan ay nagpapahiwatig ng limitadong dami ng mga mapagkukunan. Sa ganitong paraan ang mga programang magagawa ng Administrasyon ng Pangulong BBM, ay kailangang palakasin, palawakin at isagawa ng mas madali para sa mga bangko na magkaloob ng sariwang puhunan sa sektor ng sakahan at maliliit na mamumuhunan.
Ang mga gawaing bayan o infrastructures, tulad ng mga karagdagang mga tulay, daanan, lugar ng pantalan at iba pa, ay siyang pinaka-susi ng kaunlaran, dahil mapabibilis nito ang daloy ng mga kalakal, ang kaginhawahan na maidudulot nito sa isipan, galaw at pangangatawan o kalusugan ng taumbayan, mangangalakal man siya o manggagawa.
Ang proteksiyon mula sa ating mga awtoridad, ang katiwasayan at kaayusan ay kailangang madama ng balana, sa kanilang pangangalakal at simpleng pamumuhay. Nabanggit din niya ang Kooperatiba na kailangang mapalakas, gayundin ang magandang magagawa ng KADIWA ng Pangulo program, upang mabigyan ang mga Pilipino sa buong bansa ng sariwa at abot kayang produktong agrikultural at pangisdaan.
Tsk! Tsk! Tsk! Kailangan talagang pasiglahin ang sektor ng agrikultura, at pag-‘tap’ sa mga bangko ng estado upang iligtas ang mga nababagabag na negosyo, upang makatulong na matiyak na mabilis na makabangon ang ekonomiya mula sa krisis na dulot ng COVID-19. Hindi ko narinig na dapat ibalik ang parusang Kamatayan. Ito ang dapat na sagot sa patuloy na korapsyon sa pamahalaan, kaparusahan sa mga ‘smuggler at hoarder’ ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay ng isang tao at sa mga taong tiwali na sangkot sa pagpapalaganap ng bawal na gamot. Muli, sa pagdating ng Bagong Pilipinas, kung nais ng Administrasyon ng tunay na pagbabago ay ibalik ang ‘Death penalty!’ Hanggang sa muli.