Nitong nakaraang ilang araw ay nabanggit ng isa nating kaibigan na ang kanyang mga kamaganak, pinsan ng kanyang Ina, ay pinagsasaksak at isa ang patay, sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, kamakailan. Mag-asawa ang biniktima ng pananaksak, ang lalaking pinsan ng ating kaibigan ay malubhang nasugatan at dagliang dinala sa Ospital, kasabay ng kanyang Ginang na napuruhan ng pananaksak, at idineklarang wala ng buhay ng sapitin nito ang Ospital. Batay sa mga ulat na lumabas ay hindi nakilala ang salarin na naka-face mask.
Tsk! Tsk! Tsk! Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na kausap pa ng biktimang lalaki ang salarin bago isinagawa ng pagsalakay ng pananaksak. Ngayon lamang, habang isinusulat ito, ayon sa ating kaibigan, ang biktimang lalaki ay nagkamalay-tao na. Posibleng makilala na ang salarin.
Paalala lamang po sa ating mga Kababayan na maging mapasuri at huwag makikipagusap sa hindi mga kilalang tao. Kung may istrangherong nagtatanong ay mangyaring may distansiya sa pagitan ng bawat isa. Dito sa bahay namin ay mga taong hindi ko kilala na nagtatanong at sila daw ay naliligaw, may humihingi ng limos, abuloy sa namatayan o bumibili ng anumang sirang kasangkapan meron ako sa bahay. Bago ko harapin ang istranghero, at dahil hindi ko naman kilala, ay nagsasabi akong magpapakuha kami ng camera o selfie. Kadalasan ay umaalis na lang ng kusa, at waring takot makunan ng camera o video. Sa puntong iyun ay alam ko na ang kanilang pakay, ang manloko.
Ugaliing maging mapanuri sa mga salita ng kausap o ng hindi kilalang mga tao, Gayundin tingnan kung ito ay may dalang mga matatalas na bagay o baril. Agad na lumayo at tawagan gamit ang inyong celpon, ang ilang kasambahay, upang mabulabog ang anumang masamang tanka ng kausap. Huwag basta-basta magititiwala sa hindi mga kilalang tao.
***
Nakatanggap tayo ng ulat mula sa isang Mambabatas sa Mababang Kapulungan, na nagsasabing 8,128 Filipino nurses ang naghanap ng trabaho sa U.S. mula Enero hanggang Hunyo, taong kasalukuyan. Sila ay kumuha ng U.S. Licensure Examination sa unang pagkakataon, sa panahong nabanggit, at nangangarap na mapunta sa Amerika upang doon ay makakuha ng mapapasukan bilang Narses.
Tsk! Tsk! Tsk! Hindi mapipigilan na mangibang bansa ang ating mga Narses, dahil malaki ang suweldong kanilang matatangap, kung sila nga ay magiging mapalad na makapasa, maging ganap na ‘registered nurse’ at makapagtrabaho sa Amerika. Noong nagta-trabaho ang inyong lingkod sa Kaharian ng Saudi Arabia, ang ating mga nakilalang mga Narses, doon, ang isa sa may malaking sweldo. Gayundin ng mapalaot tayo sa Amerika, ay may nakapanayam tayong doctor sa Pilipinas na nasa US. Nagre-‘review’ at nagsasanay na rin bilang maging nars sa Amerika.
Mungkahi nga ng nabanggit nating Mambabatas na kailangan talaga nating mamuhunan nang mas agresibo para mapanatili ang ating mga nars sa mga pampublikong ospital, at para pigilan sila na umalis para sa mas mataas na suweldong trabaho sa ibang bansa, pagkatapos magpraktis lamang ng isa o dalawang taon dito sa ating bansa. Ibig sabihin taasan pa ang sweldo ng isang nars. Dapat ganyan nga, para hindi tayo iwanan dito sa Pilipinas. Hanggang sa muli.