HWPL Philippines Magdaraos ng 2nd National Peace Convention

PASAY CITY — Nakatakdang magdaos ang Heavenly Culture, World Peace,Restoration of Light (HWPL), isang internasyonal na non-profit organization, ng 2nd National Peace Convention sa Plenary Hall, Philippine International Convention Center sa Abril 20, 2024.

 

May temang “A Symposium of Peace Legislation, Peace Education, and Religious and Cultural Harmony,” nilalayon ng kaganapan na matipon ang mga mambabatas, tagapagturo, tagapagbalita, at mga lider ng iba’t ibang relihiyon upang ipakita ang progreso sa tatlong pangunahing inisyatiba simula nang maganap ang kauna-unahang National Peace Convention noong Enero ng nakaraang taon.

 

Si Chief Minister Ahod Ebrahim, Al-haj ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pangunahing tagapagsalita upang talakayin ang “Output of Education and Rule of Law in Building Peace and Achieving the Cessation of War”.

 

Ipinapakita ng deklarasyon kamakailan ng BARMM ng “Peace Day” at suporta nito sa Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW) ng HWPL ang mahahalagang hakbang patungo sa pagsasabatas ng kapayapaan. Ilang rehiyon at munisipalidad sa bansa na nagpasa ng resolusyon upang suportahan ang DPCW ang gagawaran ng karangalan sa darating na okasyon.

 

Isinasagawa na rin ang inisyatiba para sa edukasyong pangkapayapaan ng HWPL para sa buong bansa sa pamamagitan ng kontekstwalisasyon ng mga Schools Division Offices (SDO) sa Luzon, Visayas at Mindanao upang maisama ang HWPL Peace Education sa kurikulum.

 

Makatatanggap ang SDO Laguna, SDO Southern Leyte, at SDO Cotabato City ng parangal bilang pagkilala sa kanilang pagpupunyagi, kasabay ng turnover ng mga textbook na kanilang inakda.

 

Ihahayag din sa naturang kumbensyon ang isang espesyal na mensahe mula kay Bise Presidenteat Department of Education Secretary Sara Duterte gayundin ang mensahe ni Dr. Ronald L. Adamat, Commissioner of the Commission on Higher Education (CHED).

 

Ipakikita rin sa kumbensyon ang ikatlong core initiative ng HWPL, ang interreligious harmony, sa pamamagitan ng Religious Peace Academy (RPA), ang kauna-unahang academic program na naglalayong pagkaisahin ang ibat ibang relihiyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng bawat relihiyon na bukas para sa lahat.

 

Sisimulan ito sa pamamagitan ng paglagda ng mga religious leaders sa isang Joint Agreement of Solidarity bilang pagpapatunay ng kanilang commitment para sa kapayapaan at interfaith dialogue.

 

Layunin din ng event na ito na makalikom ng suporta para sa adbokasiyang pangkapayapaan na suportado ng malawak na abot ng HWPL. Ang kaganapang ito ay illa-livestream sa buong mundo at isasalin sa ibat ibang wika.