LUNGSOD NG MALOLOS– “Isang paraan upang makamit ang holistic approach tungo sa pang matagalang progreso ang pagtitiwala sa ating mga lokal na negosyo at kooperatiba dahil sila ang pundasyon at lifeblood ng pagsasalba ng ating ekonomiya.”
Sa kanyang talumpati sa Philippine Federation of Credit Cooperatives (PFCCO) National 11th Annual General Assembly at 2023 Educational Forum na ginanap sa Clark Marriott Hotel sa Pampanga nitong Huwebes, hinikayat ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang mga kapwa lingkod bayan na magpatupad ng maraming batas at polisiya na tunay na tutulong sa mga kooperatiba na makatayo sa kanilang sarili.
“We have to enforce more laws and policies like ease of doing business, strict execution of cooperative tax exemption and privileges, and other support programs, and we have to implement them properly,” anang gobernador.
Nangako rin si Fernando na ipagpapatuloy ang legasiya ng mga Bulakenyong tagapagtaguyod ng kooperatiba na panatilihing naka-ugat ang kooperatibismo sa pagkakaisa at pagtutulungan, at gawing ang bawat Pilipino ang makikinabang sa pagyabong ng sektor na ito.
“Ang legasiyang iniwan ng ating Father of Cooperation, dating Bulacan Governor Teodoro Sandiko ang siyang nagpaalab sa aking pagpapahalaga sa kooperatiba, gayundin ang adhikain ng dati ring Bulacan Governor Roberto “Obet” Pagdanganan na paigtingin ang kilusang kooperatiba matapos and EDSA Revolution,” dagdag ni Fernando.
Idiniin ng gobernador na kilala ang Bulacan bilang Cooperative Capital of the Philippines hindi dahil sa mga numero ngunit dahil sa kung paanong nakikita at tinutupad ng lalawigan ang mga hangarin nito para sa sektor ng kooperatiba.
“Sa kasalukuyan, ang Bulacan ay mayroong 336 registered cooperatives na mayroong kabuuang assets na nagkakahalaga ng P19.85 bilyon. Nasa Bulacan din ang halos lahat ng uri ng kooperatiba maliban sa electric service cooperative. Binubuo ito ng 34 large, 55 medium, 99 small, at 163 micro cooperatives na ating tinututukan,” aniya.
Samantala, sinabi ni Senate Committee on Agriculture and Environment Chairman Senator Cynthia Villar na mas alam ng mga kooperatiba at mga lokal na negosyo ang kailangan ng mga Pilipino na nangangailangan ng kanilang tulong.
“Nothing can equal the help of cooperatives in the growth of a community and small business and alleviating the lives of farmers and fishermen,” anang senadora.
Nakaangkla ang PFCCO National 2023 Educational Forum Path to Post COVID-19 Recovery of Credit Unions sa temang “Greener. Inclusive. Resilient.” na dinaluhan ng mga lider ng kooperatiba mula sa buong bansa.