HINTAYIN NA LAMANG ANG KAPASYAHAN NG COMELEC

Muli ay nakatanggap tayo ng ulat mula kay Katropang Vic Ole, Canlubang, Calamba, Laguna, hinggil sa inilathala niyang suliranin na kinasangkutan ng isang kandidatong nanalo sa nakaraang Barangay Election, subalit hindi pa naipo-proklama dahil sa kinakitaan ito ng paglabag sa batas na pinaiiral ng COMELEC, narito po ang ulat ni G. Ole:

“Sa nauna nating report hinggil sa pagpigil sa proklamasyon ng nanalong kandidato sa pagka- punong barangay na si G. Larry Dimayuga ng barangay Canlubang sa Calamba Laguna, nitong nakaraang barangay election 2023, ay nananatiling wala pa ring pinal na desisyon ang pamunuan ng COMELEC sa kasong ito, kung mauupo pa ba o hindi sa pwesto ang nasabing nanalong Barangay Captain.

 

Matatandaan na lumabag di- umano ang nasabing kandidato sa maagang pangangampanya (early campaign,) na isa sa mga panuntunan na ipinagbabawal ng COMELEC, sa kanilang General Guidelines na mula sa Rules and Regulation for the October 30. 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Election. Kung kaya’t hindi ito(Larry Dimayuga) nai-proklama sa kanyang pagkapanalo sa naturang halalan.

Dahil sa marami tayong natatanggap na mga katanungan hinggil sa nasabing isyu, ay nagtungo ang inyong lingkod. sa mismong COMELEC Office ng Calamba, Laguna, at doon ay nakapanayam natin ang mismong Election Officer na si Gng. Evelyn Pangalin.

 

Ayon kay Gng. Pangalin, ay naipasa na umano nila sa main office ng COMELEC ang tungkol sa kaso ni Mr. Dimayuga, kaya wala umano sa kanila ang hurisdiksyon ng kaso, kundi ang mismong main office na ng COMELEC sa Manila ang siyang magpapasya kung anuman ang kalalabasang hatol sa isyung ito,

 

Kung gayon mga KATROPA, “Let’s wait and see” na lang anuman ang maging kapasyahan ng kinauukulan sa isyung ito, na sana naman ay panindigan ng COMELEC ang kanilang mga ipinagbabawal na ayun sa kanilang General Guidelines. Dapat, “ang mali ay mali” at dapat maparusahan ang mga lumabag sa batas na ito ng nakaraang halalan.”

 

Tsk! Tsk! Tsk! Maraming salamat Katropang Vic Ole sa iyong ulat, na nawa ay maintindihan ng mamamayan sa inyong lugar ang sitwasyon at isinasagawang kaayusan ng COMELEC sa katatapos na Barangay election. Maging kalmado po lamang.