Hinihinalang kaso ng Mpox binabantayan sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga Bulakenyo, mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office–Public Health (PHO-PH) ang aktibong pagbabantay upang matukoy ang mga hinihinalang kaso ng Mpox, na dating kilala bilang monkeypox, kasunod ng mga ulat ukol sa muling paglitaw ng banta ng sakit sa bansa.

Bilang bahagi ng surveillance, nagsagawa ng mga field investigation at contact tracing sa iba’t ibang lugar upang matukoy ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas ng Mpox gaya ng lagnat, pamamantal, at kulani.

Ilan sa mga specimen mula sa mga hinihinalang kaso ay agad na kinolekta at ipinadala sa research facility para sa masusing pagsusuri at ebalwasyon.

Samantala, binigyang diin ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at maagap sa pagtukoy ng sakit.

“Isasagawa po natin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng Mpox. Sa pamamagitan ng aktibong pagbabantay, agarang pagsusuri, at agad na pag-i-isolate ng mga pinaghihinalaang kaso, layunin nating maprotektahan ang ating mga komunidad at maiwasan ang posibleng pagputok ng sakit,” ani Fernando.

Hinimok din ni Dr. Edwin Tecson, hea ng PHO-PH ang publiko na manatiling kalmado ngunit manatiling nag-iingat, sumunod sa proper hygiene practices, iwasan ang malapitang pakikisalamuha sa mga taong may sintomas, at agad na iulat sa pinakamalapit na pasilidad pangkalusugan ang anumang kakaibang pamamantal o sintomas tulad ng trangkaso.

Ayon kay Tecson, sa kasalukuyan, wala pang kumpirmadong kaso ng Mpox sa Lalawigan ng Bulacan, ngunit tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ang patuloy na pagbabantay, pagsusuri, at pagbibigay ng napapanahong abiso sa publiko habang dumarami ang impormasyon ukol sa sakit.

Para sa mga update at health advisories, bisitahin ang opisyal na Facebook pageng Bulacan PHO – Public Health, Provincial Government of Bulacan o makipag-ugnayan sa PHO-Public Health Hotline sa numerong 044-791-8169.