HUHULIHIN at ikukulong ng Kapulisan ang sino mang mahuhulihan na may hawak na health card na siyang gagamitin sa ilegal na pamimili ng boto sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Ito ay makaraang mabisto na isang umanong kandidato bilang Kapitan sa Barangay Masagana ang namahagi umano ng health card sa mga residente rito na may kalakip na halagang P1,000 kapalit na siya ang iboboto sa October 30 Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Matatandaan na nitong Biyernes ay nagsampa ng reklamong “Petition For Disqualification” si Marilyn Goc-ong sa Commission On Election (COMELEC) laban sa incumbent reelectionist na si Kapitan Francisco “Kikoy” Sandil ng Barangay Masagan kaugnay sa umanoy paglabag sa Omnibus Election Code (OEC).
Sa kaniyang testamento sa complaint affidavit nito sinabi ni Goc-ong na isa siya sa umanoy mga residente ng Masagana na ipinatawag ng kapitan at binigyan ng health card ID at halagang P1,000 noong Oktubre 22 at makatatanggap muli ng karagdagang P2,000 sa araw ng eleksyon kapag si Kap Kikoy Sandil ang ibinoto.
Ayon sa PNP magtatalaga sila ng mga pulis sa nasabing lugar partikular na sa mga voting precinct sa Barangay Masagan upang bantayan at hulihin ang sino mang lalabag sa Omnibus Election Code gaya ng vote-buying.
Pahayag ni PLTCol. Rey Apolonio, mula 1 hanggang 6 na taon ang kulong sa mga mahuhuling lumalabag sa OEC ng Comelec kung mapapatunayan nagkasala.
Mahigpit din ang paalala ng PNP lalo na sa mga kandidato at botante na huwag nang magtangkang gumawa ng mga maling gawain hinggil sa mga pinaiiral na batas kaugnay sa nasabing eleksyon.
Kaugnay ng kasong haharapin ni Kap. Sandil, ayon sa Municipal Comelec ng Pandi, wala pa umano silang natatanggap na kahit anong memo o report kaugnay sa petition for disqualification isinampa kay Sandil.
Wala pa rin as of press time pahayag ang kampo ni Sandil kaugnay sa nasabing alegasyon.