HAGUPIT NG GIYERA SA PAGITAN NG RUSSIA AT UKRAINE, DAMA NG PILIPINAS

Katropa Nakasentro ni: Vic Billones III

Matapos na salakayin ng mga Ruso ang bansang Ukraine, at ng nakalulumpong pandemya ay lalong lumaki ang suliranin sa galaw ng ekonomiya sa buong mundo. Kabilang na dito ang Pilipinas, na kung saan dama natin ang buntot ng hagupit ng giyerang namamagitan sa bansang Russia at Ukraine.

Nagsimulang madama ng Pilipinas ang bigat nito, partikular na sa galaw ng ating kabuhayan, sa pagtaas ng halaga ng gasolina at iba pang presyo ng bilihin. Napabalitang mga Pilipino sa bansang Ukraine ay inilikas na, at balik Pilipinas na muli at walang mga trabaho.

Tsk! Tsk! Tsk!, Napabilang na itong mga OFWs sa mga Pilipinong andito sa Pilipinas na nawalan ng trabaho dahil sa epidemya. Ano na ang solusyon dito ng Pamahalaan? Narito ang sinabi nung magtataho ng muli kaming magkita, “Katropa ang ating Pamahalaan naman at hindi nagtetengang-kawali sa panaghoy ng pangangailangan. Anumang problema na kinahaharap ng bawat Pilipino ay kanilang binibigyan ng pansin. Tukoy naman nila ang problema, kailangan lamang ay ang mabilisang aksyon na maresolba ang dumarating at dinaranas na mga suliranin. Gumawa ng mga hakbang na makapagbibigay ng hanap-buhay sa mga tao, Ang isang magaang  na pagpapautang na walang interes ay nararapat lamang na igawad sa nais na magtayo ng panimulang kalakal. Iyan ay ilan lamang sa pwedeng gawin ng ating Pamahalaan. Kailangan ang agarang pagkilos. Aksyon!”

***

TODA SA LSJDM INABISUHAN

Matapos bumaba ang bilang ng mga nabibiktima ng salot na COVID-19, ngayon ay pinagpasyahan ng pamahalaan na maging Level 1 na ang sitwasyon, sa kamaynilaan at karatig bayan, kasama na dito ang Lalawigan ng Bulacan. Dahil dito ay agad na ibinalita sa atin ni G. Melchor Allan Cruz, Hepe ng Tricycle Regulatory Unit, Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) na ang public transportation sa LSJDM, ay balik na muli sa ‘100% full sitting capacity,’ wala ng ‘plastic barriers,’ at ang pagbabalik sa halaga ng pamasahe na naaayon sa lokal na ordinansa ng Lungsod. 

Kasama ni Katropang Vic Billones III (kanan) si Melchor Allan Cruz, Chief of Tricycle Regulatory Unit, LSJDM (kaliwa)

Batay sa suliraning kinahaharap ng mga ‘tricycle drivers’ sa pagtaas ng halaga ng krudo, sinabi ni Cruz na may panukala ang Federation ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA,) dito sa Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) Bulacan, na gagawa sila ng petisyon upang hilingin sa Sangguniang Panglunsod, na ikonsidera ang pagtataas ng pamasahe, dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina sa Lungsod.

Nagpaala-ala rin si Cruz: “Magingat pa rin tayo, magsuot ng face mask para sa kaligtasan ng mamamayan, kahit na ‘full sitting capacity’ ay panatilihin na ligtas tayo. Ang pamasahe ay balik na din sa P10, ang ‘minimum fare,’ sa bawat pasahero sa tricycle.”

Ayon pa rin ay Cruz, kasama niya sina Mayor Arthur Robes at Congresswoman Rida Robes na nag-ikot sa mga terminal ng TODA sa LSJDM, upang ipabatid ang mga nasabi dito ni Cruz.

Tsk! Tsk! Tsk! Alert Level 1 na kung saan talaga ay nangangahulugan na walang mga paghihigpit, subalit nangangailangan pa rin ng pagtalima sa pampublikong pangkalusugan (‘health protocols,’) at kaligtasan ay dapat pa ring sinusunod.

Kahit na nasa ‘Alert Level one,’ at ayon sa ipinalalabas na balitang humina na ang ‘virus’ ay huwag pa rin magpa- kampante. Habang isinusulat natin ito, isang ‘facebook friend’ na OFW, sa Hong Kong, ang nagpadala ng mensahe na dumarami na naman ang kaso ng COVID-19, sa nasabing bansa. Kaya ang sitwasyon ng epidemya sa Pilipinas, na inilagay sa status na ‘Alert level 1’ na ang Kamaynilaan, ay hindi pa rin lubusan ang paniniwala ng Katropa, minsan dumaan sa ating isipan na ‘sarswela’ lamang ito dahil sa nalalapit na halalan 2022. Sana nga humina na at wala ng salot at hindi na muling babalik pa si COVID-19, sana.