LUNGSOD NG MALOLOS–Nagwagi ng apat na pangunahing gantimpala at nag-uwi ng P170,000 premyo ang dokumentaryong “Guillermo: Ang Handog ng Obra” sa ikaapat na SINEliksik Bulacan Docufest and Docu Special na ginanap sa Nicanor Abelardo Auditorium, Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod na ito.
Nagwagi ng Best Documentary Film, Best Research, Best Cinematography, at Best Editing ang dokumentaryo na itinampok ang buhay sining ng National Artist for Visual Arts na si Guillermo Tolentino sa Araw ng Parangal.
Matapos matanggap ang gantimpala, ipinahayag ng direktor ng dokumentaryo na si Andrew Alto De Guzman mula sa bayan ng Pulilan, ng kanyang pasasalamat at ayon sa direktor ay mahalaga na tama, maganda, at kaaya-ayang panoorin ang kanilang mga nililikhang dokumentaryo.
“Gagawin namin ang pelikulang ito hindi dahil gusto naming manalo, gagawin naming ang pelikukang ito dahil gusto naming bigyan ng katarungan ang malaking kontribusyon ng Bulakenyo, pambansang alagad ng sining na si Guillermo sa kasaysayan ng skulptura sa Pilipinas. Sana po ay lagi nating maalala si Guillermo sa kanyang mga iniwang pamana,” aniya.
Kabilang sa iba pang mga nanalo ay ang “Kol Antonio Buenaventura: Musika para sa Bayan” na nagwagi ng dalawang gantimpala at nag-uwi ng P70,000 kabilang ang mga gantimpalang Special Jury Prize at Best Sound Design; at “Maesto Kanor: A Filipino Genius in Music” na nagwagi ng gantimpala na Best Documentary Script na may halagang P20,000.
Samantala, sa mensahe ni Gob. Daniel R. Fernando na ibinahagi ni Abgd. Nikki Manuel S. Coronel na siyang kumatawan sa gobernador, ang pagkilala sa tungkulin ng mga artistang Bulakenyo sa pagpapayaman ng kultura at pamana ng lalawigan.
“Isang napakalaking karangalan po ang mapabilang sa dakilang liping kanilang pinagmulan. Sila ay malaking inspirasyon na dapat lamang tularan ng kasalukuyan at susunod pang salinlahi. Gamit ang kanilang angking husay sa iba’t ibang larangan ay nakapag ambag sila ng magagandang pagbabago sa ating lipunan,” pahayag ni Abgd. Coronel.
Kabilang sa iba pang lumahok sa SINEliksik Bulacan Docufest ang mga dokumentaryong “Buhay at Pag-ibig ni Francisco Balagtas” at “Ang Nawawalang Tinig ng Sirena” na parehong nag-uwi ng consolation prize na P10,000.